top of page

Puro donasyon ng mga BFF… IPE, TUMAKBONG SENADOR NANG WALANG PONDO

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 3 min read

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | May 17, 20255



Photo: Mr. Ipektibo - FB


Isa kami sa mga labis na nagtaka nang hindi pumasok sa Top 12 senatoriables ang aktor na si Phillip Salvador.


Sa mga unang naglabasang surveys kasi ay laging kasama ang pangalan ni Salvador sa Top 13 at 14 rank. Inakala ng marami na kahit papaano ay aangat siya at makakahabol sa Top 11 o 12 post. 


Noong umpisa pa lang ng kampanya ay sinabi na ni Phillip na wala siyang malaking pondo. Wala siyang sponsors na susuporta sa kanyang kandidatura. Puro donasyon ng mga kaibigan ang mga t-shirts, pamaypay, pocket calendar at posters na ipinamimigay sa kanilang pag-iikot. At puro volunteers ang tumutulong at sumasama sa kanya sa kampanya. 


Sumagupa si Ipe sa laban na wala siyang armas at bala. Ganunpaman, ipinaubaya na niya sa Diyos ang kanyang magiging kapalaran sa midterm election. Ginawa niya ang lahat ng dapat gawin pero sadyang hindi nakalaan sa kanya ang pagiging senador. 


Masakit man ay tinanggap ni Phillip Salvador ang desisyon ng taumbayan at ipinagpapasalamat niya na may mga kaibigan siyang tumulong, dumamay at hindi nang-iwan sa gitna ng laban. 


Puro volunteers ang mga ito kaya gusto niyang pasalamatan at banggitin ang pangalan ng mga ito tulad nina Aeron, JC, Teroy, Nordin, Aris, Christian, Ricky, Glen at Roman. 

Gusto ring pasalamatan ni Phillip ang sambayanang Pilipino na sinamahan siya sa pagdarasal noong panahon ng eleksiyon. 


Kahit papaano, naiangat niya ang kanyang ranking mula No. 58 hanggang sa No. 19. 

Maraming kaibigan naman ang nangumusta kay Kuya Ipe pagkatapos lumabas ang resulta ng eleksiyon noong May 12. 


So far, tiniyak ng aktor na okey siya at tinanggap ang kanyang pagkatalo. In due time, babalik na sa normal ang takbo ng kanyang buhay.



Malaki ang naitulong ng pag-eendorso ni Coco Martin kay Sen. Lito Lapid upang makapasok siya sa Top 12 ng mga nanalong senatoriables, at ganoon din ang maayos na exposure niya sa Batang Quiapo (BQ) na libu-libo ang mga viewers. 


Kilala si Lito Lapid sa kanyang role bilang si Supremo na tumatak sa mga viewers ng BQ. Malaking bentahe rin ang malakas na impact ng kanyang campaign promo na si Coco Martin mismo ang nag-endorso sa kanya. Kaya naman sa bawat survey ay kasama si Lito sa Top 12 senatoriables. 


Maganda ang tandem nina Supremo at Tanggol (Coco Martin) sa BQ at aminado naman si Sen. Lapid na malaki ang naitulong ni Coco Martin upang mahalal siyang muli bilang senador. 


Sa kabila ng pagpuna ng mga kritiko at pagsasabing wala naman siyang nagawa sa Senado, maraming botante ang naniniwala at nagtitiwala pa rin sa kakayahan ni Sen. Lito.


Kaya olats nang tumakbo uli…

PACQUAIO, WALANG GINAWA SA SENADO


MARAMI ang nagtatanong kung ano ang nangyari sa People’s Champ na si Manny Pacquiao na mukhang kumupas na ang taglay na karisma sa tao. 


Bakit hindi man lang siya pumasok sa Top 12 senatoriables? Malaki naman ang kanyang pondo at campaign fund. Bakit hindi siya gaanong pursigido na manalo, ‘di tulad ng dati? 


Sey naman ng madlang people, hindi kasi nagpakitang-gilas at nagtrabaho si Pacman sa panahon ng kanyang pagiging senador. Hindi siya nagmarka sa mga botante at ang pagtulong at pagmamalasakit niya sa mahihirap ay nasentro lang sa mga kababayan niya sa GenSan. 


Pero kahit na natalo si Pacquiao, mayaman na mayaman pa rin siya at hindi na makakaranas ng kahirapan ang kanyang pamilya.


Ganito rin ang reaksiyon ng marami sa pagkatalo ng aktor at TV host na si Willie Revillame. Hindi naman kailangan pa ni Willie ang maging senador dahil bilyonaryo na siya sa dami ng kanyang naipundar na properties. Mamumuhay na maginhawa ang kanyang pamilya at hindi mauubos ang kanyang kayamanan. 


Magtayo na lang siya ng foundation upang makatulong sa mga taong nangangailangan at mag-produce ng sariling game show kung ayaw pa niyang magretiro sa showbiz.


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page