top of page
Search
  • BULGAR

Pumabor sa Scotland ang bola vs. 'Pinas sa Pinatar Cup

ni Anthony E. Servinio @Sports | February 20, 2023




Laro sa Miyerkules – Pinatar Arena

3:30 a.m. Pilipinas vs. Iceland


Nabura ang pangarap ng Philippine Women’s Football National Team na mauwi ang kampeonato ng 2023 Pinatar Cup matapos manaig sa kanila ang Scotland, 2-1, Sabado ng gabi sa Pinatar Arena ng Murcia, Espanya. Ito na ang pangalawang sunod na talo ng Filipinas at may isa pa silang laro kontra Iceland sa Miyerkules, 3:30 ng madaling araw, oras sa Pilipinas.

Lumamang agad ang mga Scot sa goal ni forward Lauren Davidson na ipinagulong ng mabilis ang bola sa ika-40 minuto. Dumoble ang lamang sa sumunod na goal ng reserbang si defender Rachel Corsie sa ika-57 minuto galing sa corner kick at hindi ito napigil ni goalkeeper Olivia McDaniel.

Lumaban pa rin ang Filipinas at nahabol ni midfielder Meryll Serrano ang konsuwelong goal sa ika-90 minuto subalit hindi nila kakampi ang orasan. Ito ang pangalawang goal ni Serrano para sa pambansang koponan kasunod ang una sa 5-1 panalo kontra Papua New Guinea sa FIFA Friendly noong nakaraang Disyembre.

Wala pang linaw kung sino ang magiging kampeon at nagtapos sa walang goal na tabla ang sumunod na laro ng Iceland at Wales. Magkasosyo para sa liderato ang dalawang bansa na may apat na puntos habang pangatlo ang Scotland na may tatlo at wala pang puntos ang Filipinas.

Ang Iceland ang ika-16 sa FIFA World Ranking at pangalawa sa pinakamataas na bansa na hindi nakapasok sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa likod lang ng ika-10 Hilagang Korea. Ang Filipinas ay ika-53 at sisikapin na tapusin ng positibo ang torneo.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page