top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Pulis sa mga paaralan, ‘di dapat bantay-salakay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 26, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 26, 2023


Upang maiwasan ang krimen na posible pang mangyari sa loob at labas ng mga paaralan, hinimok ng Philippine National Police (PNP) na payagan ang kapulisan na magbantay sa mga bisinidad nito.


Ito ang hakbang ni PNP Chief General Rodolfo Azurin Jr., matapos ang mga naganap na kaguluhan at krimen sa ilang mga paaralan sa bansa.


Binigyang-diin ni Azurin ang nangyaring pananaksak ng estudyante sa kapwa niya mag-aaral sa Culiat High School sa Quezon City, na ikinamatay ng 13-anyos na binatilyo. Isa pa rito, ang first year Biology student ng Cavite State University sa Cavite na namatay nang aksidenteng araruhin ng trak ang main campus ng paaralan. Gayundin, ang pagkasawi ng isang senior high school student na tumalon umano sa ika-9 palapag na gusali ng University of the East sa Caloocan City.


Ayon sa PNP chief, kinakailangan ng police visibility sa mga paaralan para sa seguridad at peace and order habang mababawasan ang exposure ng mga kabataan sa mga krimen sa pagpasok at pag-uwi ng mga estudyante mula sa paaralan.


Hinikayat din ng opisyal ang mga school authorities na payagang makapasok ang mga pulis sa loob ng mga eskuwelahan kung maaari, upang maiwasan na rin ang anumang akto ng bullying na nagaganap sa mga estudyante.


Magandang sistema ito para sa kaligtasan ng mga estudyante, lalo na’t full face-to-face na sila.


Mapoprotektahan sila nang husto sa posibleng krimen na mangyari. Agad din marerespondehan ang anumang aksidente sa loob at labas ng paaralan.


Subalit, huwag sanang magdulot ito ng takot at pangamba sa iba dahil alam naman natin na ang kapulisan ay may mga dalang armas habang ginagawa ang kanilang tungkulin.


At sa halip na maging kampante at nakapokus ang mga estudyante sa kanilang mga aralin ay magugulo ang kanilang isipin dahil may mga bantay na pulis sa labas ng silid-aralan na umaaligid.


Sa kinauukulan, gawin nating makabuluhan ang sinumpaan sa tungkulin at huwag natin sana itong abusuhin.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page