top of page
Korina Sanchez-Roxas - IG.jpg

Pulis na utak-pulbura, out!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 14 hours ago
  • 1 min read

by Info @Editorial | August 14, 2026



Editoryal, Editorial


Hindi lisensya ang uniporme para mawalan ng kontrol, at lalong hindi laruan ang baril na ipinagkatiwala ng estado. 


Tulad ng nangyari sa Maragondon, Cavite, kung saan nauwi sa barilan ang isang umano’y lasing na pagtatalo ng mga pulis matapos dumalo sa birthday celebration ng hepe ng pulisya sa bayan. 


Isang pulis at isang sibilyan ang nasawi, habang isa pang pulis ang nasugatan. 

Kung ang mga sinanay para magpatupad ng batas ay hindi kayang disiplinahin ang sarili kapag may alak, init ng ulo at baril, paano pagkakatiwalaan ng publiko ang kanilang kakayahang magpasya kapag buhay ng ordinaryong mamamayan ang nakataya?


Ang tunay na problema ay mas malalim kaysa sa isang pulis na nawalan umano ng kontrol. Kailangang itanong kung gaano kahigpit ang pagpapatupad ng mga patakaran sa pagdadala ng service firearm kapag off-duty, lalo na sa mga inuman at pribadong pagtitipon. 


Ang pulis na utak-pulbura—mabilis bumunot kaysa mag-isip—ay hindi lamang problema sa disiplina. Isa siyang panganib sa publiko.


Ang baril ng pulis ay simbolo ng kapangyarihang ipinahiram ng mamamayan, hindi personal na sandata para ipanalo ang away o ipangtanggol ang ego. 


Kaya sa kaso sa Cavite, hindi dapat matapos ang usapan sa kung sino ang unang nagpaputok o kung sino ang matatanggal sa serbisyo. Dapat siyasatin kung may pagkukulang sa mga nakatataas, kung nasunod ang mga regulasyon sa service firearms, at kung bakit umabot sa puntong armado ang mga lasing na pulis sa isang pagtitipon. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page