ni Ryan Sison @Boses | August 5, 2024
Para sa mga kukuha ng lisensya sa pagmamay-ari at pagkakaroon ng mga baril na mga aktibong miyembro ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines, sila ay exempted na sa drug tests, psychological at psychiatric examinations.
Ayon kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil, bahagi ito ng pagbabago sa sistema sa pagkuha at renewal ng license to own and possess firearms (LTOPF) ng mga sundalo at pulis.
Paliwanag niya, sinanay o trained ang mga active military at police personnel para maging responsable na mga firearm holder, kaya naman hindi na nila kailangang sumailalim pa sa DT at PPE.
Ang dapat lamang gawin ay magprisinta ang mga pulis at sundalo ng kanilang government ID para sa pagproseso ng kanilang mga baril.
Gayunman, sinabi ng PNP chief na hindi sakop ng bagong polisiya ang ibang law enforcement agencies gaya ng National Bureau of Investigation, Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine Coast Guard.
Binigyang-diin din ni Civil Security Group (CSG) spokesperson Lt. Col Eudisan Gultiano na hindi kasama ang ibang law enforcement agencies at para lamang ito sa PNP at AFP dahil aniya, regular na sumasailalim sa drug test at psychiatric examinations ang mga pulis sa pag-aaplay nila ng kanilang promotion.
Kaugnay nito, mananatili pa ring requirement sa lahat ng sibilyan ang drug test at neuro-psychiatric evaluation para sa renewal ng kanilang lisensya sa pagmamay-ari at pagkakaroon ng baril.
Okey na rin sigurong i-exempt na ang mga kababayan nating pulis at militar sa drug test, at psycho at psychiatric exams kung kukuha sila ng kanilang gun license.
Bawas na rin kasi sa oras at panahon na kanilang ilalaan sa pagsasagawa nito, sa halip na matutukan nila ang sitwasyon, kaayusan at katahimikan ng nasasakupang lugar.
Paalala lamang sa ating kapulisan at kasundaluhan na parating maging responsable sa paghawak ng kanilang mga armas at baril, na gagamitin lamang ang mga ito sa tama at pagsugpo talaga ng krimen. Gayundin, huwag na huwag sanang maisip na abusuhin ang inyong kapangyarihan.
Laging din sanang pairalin ang katapatan na magserbisyo sa taumbayan habang isapuso lamang ang kabutihan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentários