top of page
Kris Aquino C.H.I.K.A. - NETFLIX

Pujalte: Pagsusuri sa P3B na TB procurement, iwas-korupsiyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 2 min read

ni Mylene Alfonso @News | August 9, 2026



Jose “Brix” Pujalte Jr - PCO

Photo: File / Jose “Brix” Pujalte Jr - PCO



Iginiit ni Health Secretary Jose “Brix” Pujalte Jr. na kailangan ang masusing pagsusuri sa panukalang P3-bilyong procurement ng tuberculosis (TB) commodities upang maprotektahan ang mga pasyente at pera ng taumbayan.


Ayon kay Pujalte, dapat tiyaking tama ang dami, kalidad at kaligtasan ng mga gamot at nasusunod ang mga alituntunin ng pamahalaan bago ituloy ang procurement.


Kasunod ito ng 18-pahinang reklamong inihain sa Office of the Ombudsman laban sa kalihim, na inaakusahan siyang hindi umano maayos na sinuspinde ang procurement ng anti-TB commodities at sinadyang maantala ang bidding process para umano makinabang ang isang hindi pinangalanang supplier.


Itinanggi ni Pujalte ang mga alegasyon at iginiit na ang due diligence ay hindi dapat ipakahulugan bilang pagtatangkang pigilan ang programa ng pamahalaan laban sa tuberculosis o pagkaitan ang mga pasyente ng kinakailangang gamot.


“Wala pa tayong 30 days sa posisyon, pero gusto agad pabilisin ang pag-apruba sa P3 billion na TB procurement nang walang malalimang pagsusuri. Three billion pesos po ’yan ng taumbayan, hindi ’yan basta-basta. Natuto na dapat tayo sa nangyari noon sa Pharmally. Buhay ng tao ang nakataya rito,” diin ni Pujalte.


Sinabi rin ng kalihim na iginagalang niya ang mandato at proseso ng Ombudsman at handa siyang magsumite ng mga kinakailangang dokumento at rekord sakaling magkaroon ng imbestigasyon.


Samantala, bago lumutang ang reklamo, itinanggi rin ni Pujalte ang mga alegasyong nagsusugal siya sa casino.


Ayon sa kalihim, nasa isang restaurant siya sa loob ng isang hotel complex upang makipagkita sa mga lokal na punong-bayan para sa courtesy call.


“Kahit sunod-sunod ang demolition job, hindi tayo magpapa-distract. Ang pera ng bayan at buhay ng Pilipino, kailangang protektahan,” ani Pujalte.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page