top of page
Search
  • BULGAR

PUBLISHER’S NOTE 2023

ni Ryan Sison - @Publisher's Note | December 2, 2023





Malugod na pagbati sa ating lahat!


Isang taon na muli ang lumipas mula nang unti-unti tayong makabangon sa hagupit ng COVID-19 pandemic.


Napakarami nating pinagdaanang pagsubok at patuloy pang hinaharap tulad ng tila araw-araw na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at walang humpay na pagtaas ng presyo ng krudo na ang kasunod ay dagdag na mga bayarin sa kuryente, tubig, transportasyon at edukasyon gayundin ang krisis-pangkalusugan, kabilang na ang lumalalang problema sa mental health ng marami nating mga kababayan at kabataan.


Idagdag pa rito ang paglaganap ng iba’t ibang uri ng krimen sa maraming dako ng bansa na ikinababahala na ng marami sa atin.


Isama rin dito ang ilang report ng mga nagkalat na scammers na namamayagpag pa online.


Ilan lamang ito sa mga problemang madalas na naiuulat sa radyo, telebisyon, social media at pati na sa mga pahayagan. Sa tulong ng mass media, madaling naipaparating sa publiko, higit lalo sa pamahalaan, ang mga suliraning nagpapahirap sa ating mga kababayan.


Subalit, kung marami man sa atin ang halos padapain ng pandemya dahil lubhang naapektuhan ang pamilya, hanapbuhay, negosyo at ekonomiya, pinipilit nating maging matatag para makaahon sa pagkakalugmok na ito.


Marami mang negatibong nangyayari sa ating bansa, isaisip nating marapat lamang na tayo ay magpalakas at magpatibay dahil kailangan nating sumabay sa agos para mabuhay.


Hindi madaling humarap sa mga hamong ito subalit kapag sama-sama ay makukuha nating tumayo at magpatuloy.


Kaya naman kaisa ninyo ang BULGAR na hindi susuko sa mga laban na ito.


Bilang kolumnista at publisher ng ating pahayagan, naniniwala tayo na anuman ang ating katayuan sa buhay, sa biyaya at habag ng Poong Maykapal ay unti-unti nating magagawang magpakatatag at muling humakbang tungo sa pag-unlad.


Kaya sa pagdiriwang ng ika-32 taong anibersaryo ng BULGAR, labis-labis ang aming pasasalamat sa walang sawa ninyong pagsuporta sa aming pahayagan.


Bilang bahagi ng selebrasyon ng aming ika-32 taong anibersaryo, ihahatid namin sa inyo ang dalawang kuwento ng natatanging indibidwal na hinamon ng pagsubok subalit lumaban, pinatunayang sila ay maaasahan at ipinakita ang kanilang katatagan.


Una, ang guro na si Rosalina Nava mula sa Macario B. Asistio Sr. High School-Unit 1, na bukod sa pagtuturo ng Alternative Learning System (ALS) ay nakukuha pang magturo sa mga preso sa Caloocan City Jail.


At pangalawa, ang primary child rights advocate na si Atty. Eric Mallonga, na maliban sa pagiging abogado at founder ng paaralang Infant Jesus Academy ay nagtayo ng bahay-ampunan sa Marikina City — ang Meritxell Children’s World Foundation.


Malaking oportunidad din para sa atin ang mabigyan ng pagkakataon na magsagawa ng outreach program noong Nobyembre 24, 2023 sa Meritxell Children’s World Foundation, kung saan nagdaos ng medical mission, katuwang ang Public Attorney’s Office (PAO) at volunteers na mga pediatrician para bisitahin at ma-checkup ang mga batang inaaruga nila.


Gayundin, binisita natin ang mga estudyante ng ALS sa Macario B. Asistio Sr. High School habang sila ay nagkaklase.


Mahal naming mga ka-BULGAR, naging simple man ang naturang mga programa, pero nagdulot ito ng makabuluhang kasiyahan sa mga bata sa panahon na maaaring sila ay nanghihina dahil sa pangungulila sa kanilang mga mahal sa buhay.


Lubos ang aming pasasalamat sa inyo, dear readers ng BULGAR at maging sa mga viewers natin sa online, dahil KAYO ang tunay na nagpapatatag at nagbibigay ng inspirasyon para kami ay manatili sa larangang ito.


Asahan ninyong ipagpapatuloy ng BULGAR na maging BOSES NG MASA AT MATA NG BAYAN — kasabay ng pangakong bago at napapanahong mga balita, updated at makatotohanang showbiz at sports report ang ihahatid namin sa inyo.


Mas lalo rin naming pagbubutihin ang aming mga online shows — #Celebrity BTS, Tagapag-BULGAR, Date kay Maestro, BULGAR Sports Beat at ang Chika pa More! with Tres Marites. At sa papasok na taong 2024, asahan ninyong mas marami pa kaming bagong pasabog na ihahatid sa ating mga mahal na followers ng BULGAR.


Muli, maligayang ika-32 taong anibersaryo sa BULGAR at mabuhay tayong lahat!


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page