top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Publiko, ‘wag bumili ng booklet para sa Catch-up Fridays

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 2, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Marso 2, 2024


Hindi pinahihintulutan ang pagbebenta ng mga booklet o workbook para sa ipinapatupad na Catch-up Fridays.


Ayon sa Department of Education (DepEd) hindi nila inaawtorisa ang bentahan ng ganitong booklet, at iginiit na ang mga aktibidad sa paaralan ay hindi dapat na may kasamang out-of-pocket na mga gastusin.


Sa isang pahayag, binigyang-diin ng DepEd na ang mga ganitong gawain ay mahigpit na ipinagbabawal ng departamento. Ang Catch-up Fridays at iba pang school activities ay hindi dapat mag-involve ng mga gastos na mula sa kaninumang bulsa. Ang mga magulang at mag-aaral ay pinaalalahanan din na huwag tanggapin o i-accommodate at i-patronize ang mga hindi awtorisadong transaksyon.


Sinabi ng ahensya na nakatanggap sila ng mga reklamo na may ilang mga school personnel ay nagbebenta at inire-require sa mga learner na bumili ng mga booklet o workbook para sa Catch-up Friday at iba pang aktibidad.


Gayunman ayon sa DepEd, nagsimula na sila ng imbestigasyon hinggil sa nasabing usapin.


Babala naman ng ahensya na ang sinumang indibidwal na mapatunayang nagkasala ng naturang scheme ay mahaharap sa kaukulang administrative sanctions.


Nanawagan na rin ang ahensya sa publiko na i-report ang mga katulad na insidente sa Office of the Secretary sa osec@deped.gov.ph.


Ang Catch-up Fridays ay sinimulang ipatupad ng DepEd noong January 12. Ito ay para mapagbuti ang mga kasanayan sa pagbabasa o reading skills ng mga mag-aaral gayundin, mapahusay ang kanilang mga academic performance.


Batid natin na nagsisikap na bumangon ang sektor ng edukasyon mula sa pandemya, kung saan nagsasagawa sila ng mga programa at pagsasanay para mapahusay ang kaalaman ng mga mag-aaral. Kaya naman ang kagawaran ang may responsibilidad sa kailangang materyal na gagamitin para sa mga learner gayundin, ang mga aktibidad na isasagawa habang sagot nila ang lahat ng gastusin.


Pero tila hindi nawawala ang mga tiwaling indibidwal at ginagamit pa ang mga walang kamuwang-muwang nating mga estudyante.


Sadya din sigurong may makakapal ang mukha na nagbebenta ng kung anu-ano na alam naman nating kinuha lang nila sa Google at iprinint para maghitsurang workbook at sasabihing kailangan ito ng mga estudyante. 


Pakiusap lang sa iba, na itigil na sana ang masamang gawain, hindi kayo nakakatulong sa mga mag-aaral, bagkus nakakasira pa kayo sa kanilang inosente at mabuting kaisipan.


Sa kinauukulan, hanapin at huwag tantanan ang mga sangkot sa anomalyang ganito habang patawan sila ng mabigat na parusa. 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page