top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Publiko, mag-ingat sa mga sakit na nakukuha sa tubig-baha

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 3, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 3, 2023


Ngayong panahon ng tag-ulan, usung-uso na naman ang iba’t ibang sakit kaya naman nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa mga waterborne disease.


Maaari ring makuha ang iba pang mga impeksyon tulad ng dengue, leptospirosis, at influenza sa pamamagitan ng paglusong sa tubig-baha.


Pinayuhan naman ng health department ang lahat na iwasan ang pagtatapon ng basura sa mga undesignated areas upang mapanatili ang kalinisan ng kapaligiran at mapigilan ang mga lamok at daga sa paghahanap ng mga lugar para magparami.


Kung hindi maiiwasan ang paglalakad sa mga binabahang kalye at iba pang lugar, dapat umanong magsuot ng bota ang mga kababayan sa lahat ng oras.


Gayundin, payo ng ahensya na pakuluan ang anumang tubig na maaaring kontaminado na sa loob ng hindi bababa sa tatlong minuto.


Para manatiling ligtas sa dengue, pinaalalahanan ng DOH ang mga mamamayan na gawin ang “5S Strategy” laban sa disease carrier: search and destroy breeding sites; use self-protection like insect repellents; seek early consultation; support fogging, spraying, and misting; and maintain hydration.


Bukod sa mga ito, pinayuhan ng kagawaran na maghanda ng Go-Bag na naglalaman ng damit na panlaban sa lamok sakaling lumikas.


Mahigpit din nilang hinihimok, ang lahat ang pagpapabakuna laban sa trangkaso.


Sa panahon ngayon, mahirap nang magkasakit kaya iwas-iwasan na natin ang paglusong sa baha dahil maraming sakit ang posibleng makuha rito katulad na lamang ng leptospirosis na patuloy na tumataas ang kaso, dahil na rin marahil sa magkakasunod na bagyong dumating sa bansa.


Sundin natin ang payo ng mga eksperto upang makaiwas tayo sa iba’t ibang sakit habang panatilihin nating malinis ang ating kapaligiran.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page