Publiko, mag-ingat sa banta ng sunog ngayong Bagong Taon
ni Ryan Sison @Boses | December 28, 2022
Tumaas ang bilang ng mga firecracker-related na sunog ngayong taon.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nasa 19 ang kanilang naitala kumpara sa nakaraang taon na nasa lima lamang.
Gayunman, ang kabuuang 13,029 fire incidents mula Enero 1 hanggang Disyembre 26 ngayong taon ay mas mababa sa 13,574 na naitala noong 2021 sa parehong panahon.
Samantala, naniniwala ang BFP na maaari pang tumaas ang naturang bilang habang papalapit ang Bagong Taon.
Paliwanag ng tagapagsalita ng BFP, mga problema sa kuryente ang pangunahing dahilan ng sunog ngayong taon, kung saan ang nangungunang cause of fire ay electrical ignition caused by arcing. Pangalawa ang electrical ignition by loose connection at octopus connection o ‘yung paggamit ng extension wires, at ang pangatlo naman ang smoking.
Kasabay nito ay pinayuhan ng BFP ang publiko na siguraduhing ligtas ang kanilang pagdiriwang ng holiday, kaya nakiusap ito na ipaubaya sa mga lokal na pamahalaan ang pagpapatuok dahil mayroong designated areas para rito.
Sa mga nakalipas na linggo, sunud-sunod ang napabalitang sunog na dahilan ng pagkawala ng tahanan ng ilan nating kababayan. Ang masaklap para sa iba, hindi lamang bahay ang nawala kundi maging ang mahal sa buhay. Ang ending, nag-Paskong wala nang bahay at hindi pa kumpleto ang pamilya.
Bagama’t walang may gusto ng nangyari, nakalulungkot ang mga ganitong insidente.
Kaya naman, umaasa tayo sa kooperasyon ng lahat na magdoble-ingat sa anumang posibleng sanhi ng sunog upang hindi maulit ang mga ganitong pangyayari.
Gayunman, naniniwala tayo na isa lang ang gusto nating lahat — ang ligtas na salubungin ang Bagong Taon, kaya pakiusap sa ating mga kababayan, maging maingat sa lahat ng pagkakataon at iwasan ang mga gawain na maaaring maging mitsa ng sunog.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments