top of page
Search
  • BULGAR

Public-Private Partnerships, oks sa pagpapaunlad ng lokal na ekonomiya

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | August 13, 2022


Nitong nakalipas na buwan, nakipagpulong si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa sektor ng pamahalaang lokal o LGUs at hiniling sa kanila na makipag-partner sa mga pribadong sektor tungkol sa kani-kanilang lokal na proyekto.


Para sa atin, napapanahon ang pagkakaroon ng public-private partnerships (PPPs) para epektibong maipatupad ang mga development projects sa kani-kanilang nasasakupan. Suportado natin ang implementasyon nito dahil tiyak na makatutulong ito sa pagpapaunlad ng mga lokalidad.


Dalawang taon tayong pinadapa ng pandemya, kaya’t dumanas ng matinding pagsubok ang mga lokal na ekonomiya. Ito ang maaaring makatulong sa kanila sa muling pagbangon.


Para sa atin, napakahalagang ipagpatuloy ang mga development infrastructure, lalo na sa mga pagkakataong ito dahil ang mga proyektong ito ang natatanging paraan upang muli tayong makalikha ng trabaho at muling mapaglaw ang ekonomiya.


Pinakamagandang halimbawa sa PPP ang lease agreement sa pagitan ng SM Prime Holdings Inc. at ng Iloilo city government sa pangunguna ni Mayor Jerry Trenas. Ang proyektong ito ay may kaugnayan sa development ng central at terminal markets sa lungsod na maaaring mapakinabangan ng halos 3,000 market vendors.


Sa proyekto pong ito, naglaan ang SM Prime Holdings ng P3B, daan para hindi na balikatin pa ng pamahalaang lungsod ng Iloilo ang gastusin. Pero malinaw sa kanilang kasunduan na ang pamamahala o pangangasiwa sa dalawang pamilihang ito ay mananatili sa city government.


Ano nga ba ang kahalagahan ng PPP? Ito ay para matulungan ang kinikita ng mga local government sa pamamagitan ng mga proyekto na magiging kapaki-pakinabang din sa kanilang constituents.


Kakailanganin lang na dapat dumaan sa maayos na transaksyon ang ugnayang ito ng local government at ng pribadong sektor para masigurong walang aberya ang paggulong ng proyekto. Ito ang tamang panahon para mapalawak natin ang ating traditional sources at matulungan ang local governments na lubhang naapektuhan ng dalawang taong krisis dulot ng pandemya.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page