Public at private schools.. Babaeng ayaw magpalda, payagang pantalon

ni Mylene Alfonso | March 16, 2023

Isinusulong ni Senador Raffy Tulfo ang pagpapahintulot sa mga babaeng mag-aaral sa pampubliko at pribadong paaralan na malayang magsuot ng pantalon upang masigurado na mayroong “gender-neutral uniform” para sa lahat.
Sa kanyang inihaing Senate Bill 1986 o “Pants for Her Act” bibigyan ng opsyon ang mga batang estudyante na magsuot ng pantalon bilang uniform kung hindi komportable sa kanilang suot na tradisyunal na palda.
Sa panukala ni Tulfo, inaatasan din ang lahat ng paaralan, kolehiyo at unibersidad na ipatupad ang gender-neutral uniform.
“In today’s social climate, it is imperative that young women are given another alternative to the traditional skirted-uniform in order for them to feel comfortable and promote a gender-neutral environment,” paliwanag ng Senador.
Bukod dito, layunin din ng kanyang panukala na maprotektahan ang mga mag-aaral laban sa dengue outbreak sa bansa, bilang ang pagsusuot ng pantalon ay isang mabisang panlaban sa mga kagat ng lamok na sanhi ng dengue.
Mahigit 220,000 kaso ng dengue ang naiulat sa Pilipinas noong nakaraang taon.
Bukod pa rito, ang pagsusuot ng pantalon ay maaari ring makatulong para sa mga babaeng estudyante na maging komportable sa pagsakay ng motorsiklo at iba pang pampublikong sasakyan.
“The right of young women to wear trousers to school needs to be a given, and not a privilege that needs to be argued for in each individual case,” dagdag niya.





Comments