top of page
Pokwang.jpg

Psychological at physical fitness tests sa lahat ng pulis

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 22, 2020
1 min read

@Editorial | December 22, 2020



“To serve and protect”. Ito ang motto ng Philippine National Police (PNP), at bawat miyembro ay inaasahang tagapagpatupad ng batas at tagapagtanggol ng mga naaapi.


Kaya nakapanlulumo ang insidente na kinasangkutan ng isang pulis kung saan, pinatay nito ang mag-inang kapitbahay sa Paniqui, Tarlac.


Sa isang iglap, naglaho ang magagandang katangian na makikita sana sa kanya bilang alagad ng batas — maka-Diyos, disiplinado, propesyunal at handang magbuwis ng buhay para sa kapwa at sa bayan.


Kahit saang anggulo tingnan, maling-mali ang nangyari. Bilang alagad ng batas, tayo ang inaasahang kaagapay sa pagsagip ng buhay. Kaya dapat lang na managot ang pulis na pumatay sa mag-ina.


Kasabay nito ang panawagan na magkaroon ng ‘re-orientation’ sa hanay ng kapulisan.


Malinaw na hindi ito kasalanan ng lahat ng pulis at hindi nila ginusto ang nangyari, sadyang may iilan na nawawala na sa tamang landas at kailangan nang muling gabayan para hindi tuluyang maligaw.


May ilan na nakakalimutan na ang tungkuling maglingkod at maging mabuting ehemplo. Nariyan silang mga ninja cops, gambling lord at protektor ng mga ilegal na gawain.


Kaya sana, bago pa man sila lamunin ng bulok na sistema o masangkot sa mga sitwasyon na dapat sana’y kinakaya nila, kumilos na ang mga awtoridad.


Unang-unang, gawing dibdiban ang paglilinis sa kanilang hanay, itapon na ang mga bulok para hindi na makapanghawa. ‘Pag sumablay, sibak agad, hindi ‘yung pino-promote pa!


Higit sa lahat, bantayan din ang kanilang personal na mga pinagdaraanan at pangangailangan.


Kung kinakailangang isailalim sa psychological evaluation at physical fitness tests ang lahat ng pulis, mula sa ibaba, pataas, gawin na.


Huwag nating hayaan na tuluyang mapalitan ng takot at galit ang tiwala at respeto sa mga pulis.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page