top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Proyekto at programa para sa kalusugan, dapat suportahan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 26, 2024
  • 2 min read

Updated: Jun 5, 2024

ni Ryan Sison @Boses | May 26, 2024



Boses by Ryan Sison


Para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino, buong suporta ang ibibigay ng Department of Finance (DOF) sa mga proyekto at programa ng Department of Health (DOH).


Ito ang tiniyak ni DOF Secretary Ralph Recto matapos ang naging pagkikita nila ni DOH Secretary Ted Herbosa upang talakayin ang mga paraan kung paano maipapaabot ng DOF ang tulong sa health department.


Isa sa mga programa na kanilang napag-usapan ay ang pagsusulong ng universal health care para sa lahat ng Pinoy.


Ayon kay Recto, inilatag ni Herbosa ang walong pangunahing DOH program, kabilang na ang pagbabakuna, nutrisyon, maternal health, water sanitation and safety, tuberculosis, road safety, at non-communicable diseases, partikular na ang hypertension at diabetes, pati rin ang cancer.


Bukod dito, iprinisenta rin ng DOH secretary ang kanilang isinagawang digitalization ng mga serbisyong pangkalusugan para sa mga mamamayan.


Sinabi pa ni Herbosa na nasa proseso na rin sila ng pagsasapinal ng Global Health Agenda ng ‘Pinas habang dito kinakailangan nila ang suporta ng finance department para tuluyang makamit ang mga layunin ng sektor ng kalusugan.


Napakagandang tingnan na ang mga ahensya ng gobyerno ay nagtutulungan at nagpapahayag ng pagsuporta sa bawat isa.


Ibig lamang sabihin nito na nagkakasundo sila para sa iisang layunin, at ito ay matugunan ang mga pangangailangan at matutukan ang kalagayan ng taumbayan.


Mahalaga kasi para sa lahat na magkaroon at mapangalagaan ang kanilang kalusugan, kaya malaki talaga ang papel na dapat gampanan ng DOH patungkol dito. Sa tulong at suporta siyempre ng finance department madali nang maisasagawa ng kagawaran ng kalusugan ang kanilang mga programa para sa kapakinabangan din ng mga kababayan.


Hiling lang natin sa kinauukulan na ipagpatuloy lamang sana ang kanilang pagseserbisyo para sa ikabubuti at kapakanan ng mga mamamayan.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page