top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Proteksyon at suporta para sa lahat ng OFWs

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 8, 2023
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | June 08, 2023



Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na paiigtingin ng kanyang administrasyon ang mas matibay na ugnayan sa mga bansang nagpoprotekta sa kapakanan ng mga overseas Filipino worker (OFW).

Sa kanyang mensahe sa Migrant Workers Day, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng kanilang mga kontribusyon at sinabi nitong ang mga OFW ay “nag-iwan ng hindi matanggal na marka” na nakatulong hindi lamang sa Pilipinas, kundi pati na rin sa kanilang mga host country.

Ayon sa Chief Executive, ang kanilang mga kontribusyon ay sadyang nagpayaman sa buhay ng hindi mabilang na mga indibidwal at sa lipunan mula sa kanilang iba’t ibang propesyon at kapasidad.

Aniya, nauunawaan din niya, ang mga hamon na kanilang hinaharap sa pagiging malayo sa kanilang mga mahal sa buhay, nararanasang pag-adjust sa mga bagong kultura at mapagtagumpayan ang anumang hadlang.

Batay pa sa Pangulo, ito ang dahilan kung bakit ang kanyang administrasyon ay patuloy na isusulong ang mas matibay na ugnayan sa mga bansang tumatanggap ng ating mga migranteng manggagawa, kung saan tinitiyak ng mga ito ang kaligtasan, kapakanan at kabutihan.

Paalala rin ni Marcos sa mga OFW na habang binubuo nila ang kanilang mga pangarap sa malalayong lupain o nasa karagatan man, dapat nilang malaman na hindi sila nag-iisa.

Ginawa ni P-BBM ang kanyang mensahe matapos na ang gobyerno ng Kuwait noong nakaraang buwan ay nagpataw ng entry ban sa mga Pilipinong walang residence permit dahil sa umano’y hindi pagsunod ng Pilipinas sa isang labor agreement.

Giit ng Pangulo na prayoridad sa kanyang administrasyon ang pagprotekta sa mga OFW.

Makabubuti para sa ating mga migranteng manggagawa ang isinusulong na ito ng gobyerno.

Mababawasan din ang kanilang pangamba na maabuso mula sa mga employer nila abroad dahil sa may katiyakan ng proteksyon mula sa ating bansa.

Dagdagan pa sana ng kinauukulan ang mga programang makatutulong sa ating mga OFW.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page