Programa ng gobyerno, dapat walang agrabyado
ni Ryan Sison - @Boses | November 27, 2022
Sa susunod na buwan, magsisimula na ang magdamag na libreng sakay sa EDSA Bus Carousel.
Habang bahagyang nakahinga ang mga komyuter dahil malaking tipid ito, umaalma naman ang ilang drayber dahil sa hindi maayos na pagpapasahod sa kanila.
Ayon sa isang drayber, halos dalawang buwang naantala ang kanilang sahod at giit ng kanilang operator, hindi pa umano sila binabayaran ng gobyerno.
Gusto nilang mabayaran agad dahil hindi umano sapat ang allowance na ibinigay sa kanila.
Ang ibang tsuper naman, nagkakatamaran na dahil hirap pagkasyahin ang karampot na allowance habang naghihintay ng sahod. Kaya ang ending, apektado na ang kanilang trabaho.
Naunang sinabi ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na inaayos na nila ang pagbabayad sa mga bus operator.
Sa katunayan, nadagdagan pa umano ang mga tumatakbong bus sa EDSA Bus Carousel, pero binigyang-diin na hanggang Disyembre 31 na lamang ang programa.
Nabanggit noon ng mga awtoridad na plano nilang isapribado ang serbisyo matapos hindi aprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang mungkahing P12 bilyong pondo para rito sa 2023.
Ayon sa LTFRB, umaabot sa P10 milyon hanggang P12 milyon ang nagagastos nila para sa libreng sakay sa EDSA Bus Carousel, araw-araw.
Habang naniniwala tayong maganda ang layunin ng programa, dapat muna nating matiyak na walang naaagrabyado.
Kumbaga, habang maraming komyuter ang nakikinabang, huwag sana nating kalimutan ang mga kumakayod para maitaguyod ang programa ng gobyerno.
Kapag mabilis ang serbisyo, dapat ganundin ang pasahod dahil batid nating may pangangailangan din ang mga drayber.
Kung tutuusin ay masyadong matagal ang halos dalawang buwang delay sa sahod ng mga tsuper at sana’y ‘wag naman itong abutin ng 2023.
Sa lahat ng pagkakataon, dapat win-win ang sitwasyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments