Problemado sa nanlalaking misis, kailangang alamin ang rason ng pangangaliwa
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | October 07, 2021

KATANUNGAN
Naghiwalay kami ng asawa ko, anim na buwan na ang nakakaraan. Sumama kasi siya sa ibang lalaki, pero ang balita ko ay may asawa rin ‘yun lalaking sinamahan niya.
Gusto kong malaman, Maestro, kung magkakabalikan pa ba kami ng misis ko kasi mahal na mahal ko pa rin siya? Isa pa, ayaw kong maging panghabambuhay na broken family ang aming pamilya.
Balak ko siyang puntahan at kausapin sa apartment na tinitirahan nila nu’ng lalaki niya. kung halimbawang magkakausap kami, mapapahinuhod ko ba siyang muli kaming magsama?
KASAGUTAN
Wala namang masama kung muli mong kakausapin ang iyong misis, pero hangga’t maaari, bago mo gawin ‘yan, tanungin mo muna ang iyong sarili kung bakit ka nga ba niya iniwanan?
Sinasabi kasing may dahilan ang lahat ng bagay, kaya kailangan ay matuklasan mo ang dahilan kung bakit natuksong manlalaki ang iyong misis. Maaari kasing wala kang trabaho o wala kang maipakain sa iyong mga anak. Maaari rin namang hindi siya nasisiyahan sa iyo sa aspetong panseksuwal. Maaari rin namang palagi mo siyang inaaway o binubugbog, at marami pang dahilan kung bakit naobliga o napilitang manlalaki si misis.
Kapag natuklasan mo na ang dahilan at nasolusyunan mo ito, maaari mo nang sunduin si misis sa kanyang apartment at ibigay sa kanya ang mga bagay na hinahanap o gusto niyang mangyari sa inyong pagsasama. Sa ganu’ng paraan, kapag naibigay mo ang mga pangangailangan ni misis, posibleng hindi ka na niya muling iwanan.
Sa kabilang banda, kung halimbawang napauwi mo siya, pero hindi mo rin na-satisfy ang mga pangangailangan niya o dahilan kung bakit ka niya iniwan, posibleng kahit paulit-ulit mo siyang mapauwi, maaaring paulit-ulit din siyang sumama sa iba dahil naibibigay ng naturang lalaki ang mga pangangailangan niya sa buhay.
Suwerte ka, Mr. Libra, dahil iisa lang ang namataang malinaw at mahabang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, kahit nanlalaki pa si misis, kaunting paghingi lang sa kanya ng pasensiya sa mga pagkukulang mo sa kanya at idaan din sa mabuting usapan, tiyak ang magaganap. Magagawa at mangyayaring muli mo siyang mapabalik sa inyong bahay upang sa nalalapit na Kapaskuhan, muling mabuo at maging maligaya ang inyong pamilya.
MGA DAPAT GAWIN
Mr. Libra, sa totoo lang, sa bawat mag-asawang naghihiwalay ay hindi sapat ang marinig nating muli silang nagkabalikan at nagkasundo. Sa halip, ang mas maganda ay maunawaan ng bawat isa kung bakit sila madalas mag-away, kung bakit ba sila muntik magkahiwalay, kung ano ba ang mga pagkukulang ng bawat isa upang baguhin o bigyang-solusyon.
Sa ganu’ng paraan, ‘pag may pagbabagong buhay na nagaganap, sa bawat isang panig ng mag-asawa, roon lamang makakamit ang isang maligaya at panghabambuhay na pamilya. Sapagkat tunay ngang kahit paulit-ulit magkasundo ang mag-asawa, pero wala namang binabago sa mga ugali nila, paulit-ulit din silang magkakagalit at maghihiwalay.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Mr. Libra, tulad ng nasabi na, sa sandaling napabalik mo na sa inyong bahay si misis, ang unang dapat mong gawin ay ibigay ang mga bagay na gusto niyang mangyari na hinahanap niya sa inyong relasyon. Sa ganyang paraan, hindi ka na niya muling iiwanan kahit kalian, kaya habambuhay nang magiging buo at mapupuno ng pagmamahalan at ligaya ang inyong pamilya (Drawing A. at B. 1-M arrow a. at h-h arrow b.).




Comments