top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Problema sa trapik, walang kupas

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 2, 2024
1 min read

@Editorial | Pebrero 2, 2024


Kumusta ang trapik? Malala pa rin ba o mas tumindi pa?


Mula noon hanggang ngayon, sakit sa ulo ng mga drayber, komyuter at lahat na ng nasa kalsada ang lagay ng trapiko sa Metro Manila. 


Kaya nga may panawagan na dapat na umanong magtalaga ang pamahalaan ng isang traffic czar na tutugon sa problema ng trapiko.Ayon sa business group na Management Association of the Philippines (MAP), mayroong traffic crisis sa capital region, matapos manguna sa listahan ng transportation data specialist ng metro areas na may pinakamalalang traffic noong 2023.Bagay na dapat umanong kilalanin ng gobyerno at tanggapin na may problema sa traffic management. 


Panahon na umano para magtalaga ng traffic czar at bigyan ng kapangyarihang pakilusin at i-deploy ang umiiral na government resources upang maibsan ang problema sa trapiko.Gayunman, tablado ito sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).


Ayon sa ahensya, hindi na kailangan ng traffic czar dahil ang pangunahin umanong problema ay ang imprastraktura. Kulang daw sa road network kung ihahambing sa rami ng sasakyan.


Kapag natapos naman umano ang mga infrastructure project ng gobyerno, malaking ginhawa na. Ibig sabihin, sa ngayon ay tiis-tiis muna. 


Pero, sana ang ganitong problema na napakatagal nang panahon na pinagdurusahan ng publiko ang inuuna ng mga mahal nating lingkod-bayan. Sinasabing bilyong piso kada araw ang nalulugi sa ekonomiya pero bakit parang dedma lang?


Sana, makaisip ng mga alternatibong paraan ang mga kinauukulan. Huwag nang umabot sa halos wala nang galawan sa kalsada, mas mahirap ‘yan.

 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page