Problema sa lisensya, palala nang palala
- BULGAR
- Jun 11, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | June 11, 2023
Umabot na sa 700,000 ang backlog o bilang ng mga driver’s license na naimbak sa Land Transportation Office (LTO).
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, nakuwestyon ni Senator Grace Poe kung nasolusyunan na ng kagawaran ang backlog ng mga ID card ng mga magre-renew, gayundin ng mga bagong driver’s license.
Inamin naman ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na lumobo na sa 690,000 ang mga nakabimbing driver’s license card.
Ayon kay Blue Ribbon Committee Chairman Senator Francis Tolentino, noong nakaraang buwan sa ginanap na hearing sa Kamara ay binanggit ni Bautista na mayroong backlog na 234,149 sa driver’s license. Ibig sabihin aniya, na sa loob ng isang buwan sa halip mabawasan ang backlog ay mas lalo pang tumaas at nadagdagan ng halos kalahating milyon.
Tinanong naman ni Tolentino si Bautista kung sa susunod na buwan ay posibleng madagdagan ulit ng 500,000 ang backlog sa driver’s license.
Paliwanag ni Bautista, sa ngayon ay inaayos na nila ang procurement process at sa oras na ma-qualify ang lowest bidder, maaaring magkaroon ng karagdagang 500,000 driver’s license cards pagsapit ng Hulyo.
Nakakadismaya ang mabagal na aksyon ng naturang ahensya dahil sa tindi ng backlog sa driver’s license na aabot pa yata sa 1 milyon.
Malaking pagkukulang dito ng kinauukulan na tila usad-pagong sa pagtugon sa kinakailangan ito ng ating mga drayber.
Marahil, dapat na bilis-bilisan ang pagkilos sa problemang ito dahil baka maunahan pa kayo ng mga kababayan natin na nag-aabang lamang sa Recto.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments