top of page
Search
BULGAR

Problema ng ‘Pinas sangkatutak P-BBM, nagawa pang mag-vlog tungkol sa multo, buwisit!!!

ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | November 2, 2023


SA RESULTA NG SURVEY NA MARAMI PA RING MAHIRAP, PATUNAY NA MARAMI ANG NABUDOL NA KAPAG NAGING PRESIDENTE SI BBM AAHON NA SA KAHIRAPAN ANG MGA PINOY -- Sa survey ng SWS ay lumabas na 48% o kalahati ng populasyon ng Pilipinas ay nagsabing nakakaranas sila ng kahirapan sa ilalim ng administrasyong Marcos.


Kumbaga, parang sinabi na rin ng mga sinurvey ng SWS, na sila ay “naunggoy” o “nabudol” ng mga Marcos vloggers na kapag ang noo’y presidential candidate Bongbong Marcos (BBM) ang naging presidente ay aahon na sila sa kahirapan, ‘yun pala ay hindi, kasi higit isang taon at tatlong buwan nang nasa puwesto si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) ay hirap pa sila sa buhay, tsk!

◘◘◘


DAMING PROBLEMA NG ‘PINAS, NAGAWA PA NI P-BBM MAG-VLOG PATUNGKOL SA MULTO -- Isang araw bago sumapit ang Undas o Piyesta ng mga Patay na idinaos kahapon, ay nag-vlog si P-BBM at nagkuwento siya ng katatakutan tungkol sa mga multo sa Malacañang noong bata pa siya.


Hay naku, daming problema ng bansa, baon sa utang at mataas na presyo ng mga bilihin at bayarin, tapos nagagawa pa ng Presidente na mag-vlog at magkuwento ng mga katatakutan tungkol sa mga multo, boom!


◘◘◘


DAPAT TIGILAN NA NI P-BBM ANG PAGBA-VLOG KASI PRESIDENTE NA SIYA, HINDI VLOGGER -- Onli in da ‘Pinas lang na ang presidente ng bansa ay umaakto rin na vlogger.


Kaya’t dapat tigilan na ni P-BBM ang pagba-vlog, kasi presidente siya at hindi siya vlogger, lalu’t wala namang katuturan ang ikinukuwento niya sa kanyang vlog, tulad na lang ng mga katatakutang istorya tungkol sa multo, period!


◘◘◘


SA MGA NAGTABLA SA ELEKSYON, TERM SHARING AT HINDI DAPAT IDINADAAN SA TOSS COIN KUNG SINO ANG PANALO -- Nitong nakalipas na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ay may mga kandidato sa barangay at SK ang nagtabla sa nakuhang boto, at ang ginawa ng Comelec ay idinaan sa toss coin kung sino ang dapat manalo.


Sa totoo lang, mali ‘yan, masakit ‘yan sa mga natalo sa toss coin, kasi ang nilahukan nila ay halalan, paramihan ng boto at hindi toss coin.


Dapat amyendahan ang batas sa eleksyon, mas mainam na term sharing ang gawin ng Comelec sa mga nagtabla sa nakuhang boto sa halalan kasi hinalal sila ng mamamayan, tapos ang inihalal ay idedeklarang natalo sa toss coin, tsk!


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page