Pribadong sasakyan, bawal pa rin sa EDSA Busway
- BULGAR
- Mar 14, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | March 14, 2023
Maaari na bang dumaan ang mga pribadong sasakyan sa EDSA Bus Carousel lane?
May namataan kasi kamakailan na maraming private na mga sasakyan na bumabagtas sa nasabing busway habang ini-escort ng dalawang miyembro ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG).
Batay sa report, isang video ang nag-viral sa social media kung saan maraming behikulo ang nakitang dumadaan sa EDSA Bus Carousel lane sa kahabaan ng Guadalupe, Makati City, kamakalawa.
Sa pahayag ni Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) chief Charlie del Rosario, ang mga pribadong sasakyan ay hindi pinapayagan na gumamit ng naturang lane.
Palaisipan din kay Del Rosario kung bakit ito in-escort habang aniya, agad na silang nakipag-ugnayan sa Highway Patrol Group hinggil sa nasabing usapin.
Giit ng opisyal, hindi talaga pinapayagan na dumaan sa EDSA Bus Carousel ang mga private motor vehicles.
Tugon naman ng HPG, mag-iisyu lamang sila ng statement kapag natanggap na nila ang buong detalye patungkol sa insidente.
Makikipag-usap din sila sa Department of Transportation (DOTr) para alamin kung ang kanilang mga personnel o tauhan ay nakagawa ng paglabag.
Sinabi ni Del Rosario na may mga piling behikulo lamang ang maaaring dumaan sa EDSA Bus Carousel lane. Puwede ang mga government vehicles, pagkatapos na payagan at magpaalam nito ay saka sila papayagang dumaan. Ang mga ambulansiya ay pinapayagan din dahil itinuturing na emergency, subalit aniya, dapat na properly marked vehicle ng gobyerno ang mga ito.
Gayunman, ang mga empleyado ng gobyerno na nagmamaneho ng pribadong sasakyan ay hindi pinapayagan na bumagtas sa busway.
Ayon pa kay Del Rosario ang mga violator ay inire-report nila sa Land Transportation Office (LTO). May mga drayber na rin ng mga private motor vehicles ang nasuspinde at na-sanction ng LTO dahil sa paggamit ng EDSA Bus Carousel.
Tila may mga nakakaalpas na sa itinatakdang batas sa mga lansangan na hindi namamalayan ng mga awtoridad.
Malinaw naman sa lahat na bawal ang mga pribadong sasakyan sa EDSA Busway, subalit patuloy pa rin itong ginagamit ng iba. Porke walang nakakakita at walang nakabantay kaya diretso lang sa mga lane na hindi pinapayagan ang kanilang sasakyan.
Isipin sana natin na sa pagpasok sa mga lugar na hindi aprub ang ating mga sasakyan, posible itong magdulot ng perwisyo sa iba at maaksidente pa. At sa halip na makarating tayo agad sa ating pupuntahan ay baka mapabilis ang ating biyaheng langit.
Sa kinauukulan, huwag sanang todo-pasa lang sa mga violators. Dapat n’yong turuan ng leksyon ang mga lumalabag sa mga patakaran nang hindi na umulit pa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments