Presyo ng Noche Buena items, bantay-sarado
@Editorial | November 08, 2020
Ilang linggo na lang, Pasko na. Marami ang nag-iisip kung paano ipagdiriwang ang Pasko nang masaya sa kabila ng sitwasyon — pandemya, bagyo at sunog.
Pero ‘ika nga, anuman ang mangyari ay tuloy ang Pasko. Hindi kailangang maging magarbo gaya ng nakasayanan ng iba, ang maging buo ang pamilya ay higit pa sa anumang handa o regalo.
Bagama’t, alam naman natin na tayong mga Pinoy ay talagang hindi nakakalimot sa mga tradisyon o nakasanayan na.
Tipong anuman ang mangyari, kahit paano ay gagawa at gagawa tayo ng paraan para mairaos ang anumang selebrasyon. Sapat na ang anumang nakayanan para na rin sa mga bata, pero kung wala talaga, huwag nang pilitin.
Kaugnay nito, maraming mga manufacturers ng Noche Buena products ang nagpasya na hindi muna sila magtataas ng kanilang presyo ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), nakiusap sila sa mga manufacturers na magbigay ng konsiderasyon na huwag magtaas ng presyo dahil sa pandemic.
Ilan sa mga ito ay ang mga gumagawa ng pasta, macaroni, mayonnaise, cream at iba pang mga Noche Buena products.
Kaugnay nito, nakatakdang maglabas ang ahensiya ng suggested retail price para sa mga Noche Buena packages sa susunod na linggo.
Sa pamamagitan nito, kahit paano ay kakayaning magka-budget para sa ilang handa na mapagsasaluhan ng mag-anak.
Ang pakiusap lang sa mga kinauukulan ay tiyaking nasusunod ang usapin sa presyo, hindi lang ang mga pang-Noche Buena kundi lalo na sa mga pangunahing bilihin.



Comments