Presyo ng mga bilihin, ‘di maawat sa pagtaas; mga nanamantala, sumasabay din
ni Ryan Sison - @Boses | November 22, 2022
Habang papalapit ang holiday season, wala na ring tigil ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Mula sa mga Noche Buena items, ang presyo ng karne ay hindi na rin maawat sa pagtaas.
Dahil dito, hinimok ng isang agricultural group ang Department of Agriculture (DA) na tutukan ang retail price ng mga karneng baboy at manok habang papalapit ang Kapaskuhan.
Ayon sa grupo, hindi akma ang retail price sa mga palengke sa farmgate price ng karne. Inihalimbawa ng grupo ang presyo ng manok na nasa P108 hanggang P110 ang farmgate price, kaya dapat nasa P165 umano ang retail price, ngunit mapapansin anila sa palengke na nasa P185 ang kada kilo nito. Habang ang karneng baboy naman ay nasa P280 ang retail price, ngunit umaabot na ng P300 sa mga palengke.
Giit ng grupo, bagama’t hindi mapababa ang retail price, ang farmgate price ay bumababa, kaya dapat itong matutukan ng DA.
Samantala, pagdating sa presyo ng bigas, may programa ang grupo at National Food Authority (NFA) para gawing mura ang presyo ng bigas sa merkado, kung saan nabibili umano nila nang P19 hanggang P20 ang kada kilo ng palay para makatulong sa mga magsasaka. Ito ay lalo pa’t mataas ang singil sa krudo na ginagamit sa mga makinaryang pagsasaka ng mga palay.
Talagang hindi na maawat ang pagtaas ng mga presyo ng bilihin, kaya naman marami ang pinipiling mamili sa palengke dahil sa paniniwalang mas mura, pero ang tanong, nakakamura ba talaga?
Sobrang hirap ng buhay ngayon, kaya panawagan sa mga negosyante, maging patas naman kayo.
Pakiusap naman natin sa mga kinauukulan, bantayang mabuti ang presyo ng mga bilihin. Habang sinisikap ng mga kababayan nating makasabay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, marami pa rin talagang nananamantala.
Sa gitna ng krisis, hindi tayo dapat naglalamangan, bagkus ay maging makatao tayo at ‘wag maging pahirap sa ating mga kababayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments