Prayoridad sa 2021 nat’l budget ang COVID-19 response
- BULGAR

- Jan 9, 2021
- 2 min read
ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | January 9, 2021
Kasabihan nga natin, huli man daw at magaling, maihahabol din. Kaya, bago ang lahat, hahabol muna tayo ng pagbati sa ating lahat ng isang maligayang Bagong Taon!
Ngayong 2021, may bago na tayong pambansang budget na isinabatas ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakalipas na Disyembre 28, 2020. At ang magandang balita, malaking bahagi ng pondong ‘yan ay inilaan ng gobyerno sa pagpapalakas sa ating sistemang pangkalusugan, lalo na sa COVID-19 response.
At sa usaping pangkalusugan, hindi pahuhuli ang pagbibigay-importansiya sa kalusugan ng mga bata. Hindi dapat inihuhuli ‘yan sapagkat ang mga bata ang susunod nating henerasyon na magpapatuloy sa anumang napasimulan sa kasalukuyan.
Sa ilalim ng naturang pambansang pondo, bilang chairman ng Senate Committee on Finance, iginiit natin ang pagkakaroon ng halos P900-milyong dagdag-pondo para sa Philippine Children’s Medical Center o PCMC. Layunin natin dito na masigurong mabibigyan ng kaukulang atensiyong medikal ang mga batang pasyente, lalo na ang mga nagmula sa indigent families. Sila ang mga kababayan nating wala talagang kakayahang tustusan ang pagpapaospital at pagpapagamot.
Mula pa noon, malaki na ang pagsuporta natin sa PCMC dahil para sa atin, napakahalagang bantayan ang kalusugan ng ating mga anak.
Iginiit natin ang dagdag-budget para sa PCMC upang mapondohan nila ang konstruksiyon ng kanilang pediatric rehabilitation center, gayundin ang pagkakaroon ng mga bagong hospital equipment.
Sa kasalukuyan, alam nating lahat, patuloy tayong hinahagupit ng COVID-19 pandemic. At sa mga ganitong pagkakataon higit na kailangang siguruhin ang kalusugan ng mga bata.
Sa pamamagitan ng dagdag-pondo na inilaan natin sa PCMC, may kapasidad na silang isailalim sa chemotherapy ang mga batang may cancer. At para sa kaalaman ng lahat, libre sa buong taon ang chemo ng mga batang cancer patient.
At kung noon ay nakikipila rin sa specialty hospitals tulad ng Heart Center ang mga batang nangangailangan ng heart surgery, ngayon ay may kakayahan na rin ang PCMC na tumanggap ng mga batang nangangailangan ng operasyon sa puso. Hindi na sila kailangang maghintay ng ilang araw o buwan bago operahan sapagkat may kaukulan nang pondo ang pagamutang ito para sa mga ganitong proseso. Hindi kailangang ilagay sa alanganin ang buhay ng mga bata kaya’t nararapat lamang na gumawa tayo ng kaukulang paraan para sila ay maisalba sa anumang karamdaman.
At tulad nga ng sinabi natin, may pondo na rin para sa konstruksiyon ng pediatric rehab center ang PCMC na ilalaan sa mga batang may iba’t ibang health conditions tulad ng neurologic disorders, spinal cord injuries, at musculoskeletal conditions. ‘Yan ang mga kondisyong malaking sagabal sa kalusugan at sa growth development ng mga bata.
Ang PCMC na specialty hospital para sa mga bata at nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health ay hindi lamang 200-bed hospital kundi nagkakaloob din ng training programs para sa mga medical at healthcare providers.
Sa kasalukuyan, mayroon tayong panukalang-batas sa Senado, ang Senate Bill 698 na naglalayong bigyan ng kaukulang awtorisasyon ang DOH sa pag-apruba sa bed capacities at service capabilities ng mga ospital na nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City
o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com





Comments