Pramis ni P-BBM na P20 per kilo ng bigas, malabong mangyari!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 21, 2022
SA MOA NG SINAG AT NFA AY P38 ANG PINAKAMABABANG PRESYO PER KILO NG BIGAS, KAYA 'YUNG P20 PER KILONG BIGAS AY MALABO NA—Nagkaroon na ng Memorandum of Agreement (MOA) ang asosasyon ng mga magsasaka na Samahang Industriya sa Agrikultura (SINAG) at National Food Authority (NFA) na panatilihin sa P38 ang pinakamababang presyo ng per kilo ng bigas.
Ibig sabihin, malabong magkaroon ng katuparan ang promise ni P-BBM na gagawin niyang P20 per kilo ng bigas kapag siya ang naging pangulo ng Pilipinas.
◘◘◘
MISMONG SI SEN. IMEE NA ANG NANAWAGAN KAY P-BBM NA MAGPAKITA NG GALIT SA MGA AGRI-SMUGGLERS, KAYA'T ANG TANONG, GAMITAN NA KAYA SILA NG KAMAY NA BAKAL NI P-BBM?—Mismong si Sen. Imee Marcos na ang nanawagan sa kanyang kapatid na presidente na magpakita ng galit sa mga agricultural smugglers na nag-o-operate sa Customs kabilang sina alyas Michael Yang, Lea Cruz, David Bangayan at Paul Teves.
Kaya't ang tanong: Kailan magpapakita ng galit at gagamit ng kamay na bakal si P-BBM laban sa mga agri-smugglers?
◘◘◘
DAPAT CONFIDENTIAL/INTEL FUNDS AT PORK BARREL ANG IPAGBAWAL NI SEN. JINGGOY, HINDI KOREAN DRAMA—Pinutakti ng batikos si Sen. Jinggoy Estrada sa kanyang mungkahi na ipagbawal ang pagpapalabas ng mga Korean dramas sa Pilipinas.
Mababatikos talaga siya kasi ang panonood ng mga Korean dramas ang isa sa mga paraan ng mamamayan para malimutan ang kahirapang dinaranas sa Pilipinas.
Kung ang iminungkahi ni Sen. Jinggoy na ipagbawal ay ang confidential/intelligence funds at pork barrel ng mga pulitiko ay tiyak na marami pa ang matutuwa sa kanya.
◘◘◘
PAHIRAP SA MAMAMAYAN ANG CONFIDENTIAL/INTEL FUNDS AT PORK BARREL NG MGA PULITIKO—Bakit pahirap sa mamamayan ang confidential/intelligence funds at pork barrel?
Simple lang, ang confidential/intelligence funds ay hindi napakikialaman ng Commission on Audit (COA), na ibig sabihin, kapag nag-imbentaryo na ang COA, kung saan ginasta ang confidential/intelligence funds ay wala silang makuhang detalye, confidential at intel funds nga raw kasi at sa parte naman ng pork barrel, alam n'yo naman siguro ang isyu, may mga senador at kongresistang nakulong kasi karamihan ng pork barrel projects ang pinatunguhan ay "ghost projects," ibinulsa, kinurakot ang pera ng bayan.





Comments