Pramis ni P-BBM na giginhawa ang pamumuhay, fake news, mas lalong naghirap ang mga Pinoy!!!
- BULGAR
- Jun 24, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | June 24, 2023
MAJORITY NG SENATORS, IMBES PROTEKTAHAN ANG INTERES NG TAUMBAYAN, PUMAYAG NA ISUGAL SA MAHARLIKA INVESTMENT FUND ANG KABAN NG BAYAN AT PERA NG MAMAMAYAN -- Ang mga nanunungkulang senador ngayon, ang bukambibig nila noong nangangampanya pa lang para sa kanilang kandidatura ay maglilingkod nang tapat at poprotektahan ang mamamayan, pero nang magsipanalo na, ‘ayun ang mga sinasabi nila noon ay pambubudol lang sa publiko.
Nang maging senador kasi sila ay hindi pala sa taumbayan sila maglilingkod, kundi “magpapakatuta” lang pala sila kay Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) kasi imbes protektahan ang interes ng mamamayan ay pumayag ang majority senators sa kagustuhan ni P-BBM na isugal sa Maharlika Investment Fund ang kabuuang P500 billion mula sa kaban ng bayan at pera ng mamamayan, mga buset!
◘◘◘
SA 2025 MIDTERM ELECTIONS, IBASURA ANG MGA TRAPO – Bagama’t matagal pa ang midterm elections, ngayon pa lang ay dapat nang tandaan ng mamamayan ang mga kilala at sikat na pangalan ng mga traditional politicians o trapo na kakandidato for senator sa 2025 elections.
Dapat isaisip ng marami na ang mga trapo na paulit-ulit nilang ibinoboto ay wala namang nagagawang mabuti para iahon sa kahirapan ang taumbayan, nagpapanggap lang ang mga ‘yan na maka-mamamayan, pero kapag naluklok na sa poder, mga pansariling kapakanan na nila ang kanilang inaatupag.
Ang nais nating ipunto rito, ay dapat magkaisa na ang majority Pinoys na ibasura sa 2025 elections ang mga trapo, period!
◘◘◘
SURVEY NA HAPPY ANG MGA PINOY SA TRABAHO NI P-BBM, FAKE NEWS! --Noong June 19, 2023 ay sinabi ni P-BBM na dapat daw labanan ang mga nagpapakalat ng fake news, kasi wala raw puwang ang mga ito sa modernong lipunan.
Ito na ang siste, nang ibalita sa mga pahayagan, TV, radio at maging sa social media na base sa survey ng Publicus Asia, ay nakakuha si P-BBM ng napakataas na 62% approval rating at 57% trust rating, aba’y naglulundag siya (P-BBM) sa tuwa, na kesyo nagustuhan daw ng mamamayan ang kanyang trabaho bilang presidente ng bansa, gayong sa totoo lang ay masasabing fake news ang survey na ito kasi wala pa namang nagawa ang Marcos administration na mabuti para sa bayan na nagmarka sa isipan ng mamamayan, boom!
◘◘◘
PROMISE NI P-BBM NA PAGIGINHAWAIN ANG PAMUMUHAY NG PINOY KABALIGTARAN ANG NANGYARI, MAS LALONG NAGHIRAP -- Kaya natin nasabing fake news ang survey, hindi lang survey ng Publicus Asia, kundi maging mga survey ng SWS at Pulse Asia na laging mataas na rating ang nakukuha ni P-BBM, ay dahil wala pa namang natupad kahit isa sa pangako ni P-BBM noong presidential elections.
Tulad ng promise niyang P20 per kilo ng bigas, hindi pa natupad ‘yan, at ‘yung pangako na pagiginhawain ang pamumuhay ng mamamayan ay kabaligtaran ang nangyari sa ngayon, dahil mas lalong naghirap sa sobrang taas ng presyo ng mga bilihin, bayarin, pati toll fee sa NLEX nagtaas na, at may nagbabadya pang dagdag-singil sa pasahe sa LRT 1, LRT 2 at MRT, period!





Comments