Pramis na sapat na suplay ng kuryente, naging unli brownout, 'anyare?!
- BULGAR
- May 8, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | May 8, 2023
Humihingi si Sen. Risa Hontiveros ng sagot mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kanyang mga energy officials habang tinutuligsa niya ang "muted responses" ng gobyerno sa mga electricity interruptions sa buong bansa.
Hindi umano puwedeng dasal lang ang tugon ng pamahalaan sa problema sa kuryente.
Lahat aniya ng grid mula Luzon, Visayas, at Mindanao ay patay-sindi ang serbisyo at mayroon pang yellow at red alerts sa iba’t ibang probinsya.
Giit pa niya, “Nakapagtataka kung bakit mahina ata ang tugon ng DOE (Department of Energy) kahit na maraming probinsiya na ang nakakaranas ng service interruptions.”
Ang Guimaras, Panay, at Negros ang pinakahuling biktima ng power outages sa Visayas power grid, dahil umabot sa 12 oras na blackout ang mga lalawigan mula noong Abril 27.
Ito ay kasunod ng hanggang 20-oras na rotational power service disruptions na ilang linggong pinagmumultuhan ang Occidental Mindoro at ang May 1 outage sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Dagdag pa ni Hontiveros, apektado na ng oil spill ang Mindoro, ngayon naman ay tinatanggalan pa ng kuryente. Hindi dapat pinapahirapan ang taumbayan lalo na sa gitna ng napakainit na summer season.
Samantala, noong Miyerkules, inatasan naman ni P-BBM ang National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) na agad tugunan ang krisis sa kuryente sa Western Visayas, ngunit sinabi ni Hontiveros na i-highlight lamang ang magnitude ng mga hindi nasolusyunan na problema sa kuryente.
Ayon kay Hontiveros, sa 2023 budget deliberations noong Oktubre ng nakaraang taon, sinabihan ang Senado na panatilihing sapat at stable ang power supply para sa taong ito, at ang mga isyu sa regulasyon na may kinalaman sa mataas na singil ay tinutugunan.
Ngunit noong Biyernes, tinanong ni Hontiveros ang Pangulo kung bakit mas lumalala ang problema sa kuryente at ano na ang nangyari sa ipinangako nitong maasahang suplay at makatwirang presyo ng kuryente.
Ngayong nasa gitna tayo ng El Niño, talagang ang kuryente ang pinakamahalagang kailangan ng mga tao. Kaya naman sana ay agad na masolusyonan ng pamahalaan ang sunud-sunod na power outages na nangyayari sa Pilipinas.
Kung magpapatuloy pa rin ang krisis sa kuryente, tiyak na maraming mamamayan ang magdurusa sa napakainit na panahon ngayon. Tuparin sana ng gobyerno ang ipinangako nilang sapat na suplay ng kuryente dahil hindi biro ang mawalan ng kuryente sa gitna ng tag-init dahil hindi lang kabuhayan ang maaapektuhan kundi maging ang kalusugan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentários