top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Pramis na P100K sa masasawi sa COVID-19, ‘di totoo!

BULGAR
May 28, 2022
1 min read

ni Ryan Sison - @Boses | May 28, 2022


Nagbigay-babala ang Department of Health (DOH) na fake news ang kumakalat na social media post na makakatanggap ng pera ang pamilya ng sinumang masasawi o magiging disabled dahil sa COVID-19 vaccines.


Naninindigan ang ahensya na walang katotohanan ang naturang post kung saan sinasabing makakatanggap diumano ng P100,000 mula sa gobyerno ang pamilya ng masasawi o magiging disabled dahil sa bakuna. Gayundin, may kasamang isang sertipiko ng pagiging “Hero of the Pandemic” na umano’y pirmado ni Health Secretary Francisco Duque III.


Ngunit upang makuha ito, kailangan umanong mapatunayang nasawi ang biktima dahil sa bakuna at nasa maayos na kalusugan bago mabakunahan na sertipikado ng isang doktor.


Dahil dito, patuloy ang panawagan ng ahensya na burahin na lamang ang mensahe at huwag nang ipakalat upang hindi magdulot ng kalituhan sa publiko.


Kasabay nito ang paalala sa taumbayan na iwasang maniwala agad sa mga impormasyon kung hindi ito galing sa official Facebook page ng DOH.


Patunay lamang ito na anumang panahon ay namamayagpag ang fake news.


At sa totoo lang, hindi lang pala maling impormasyon tungkol sa bakuna ang kumakalat kundi maging pekeng pangako mula sa gobyerno.


Ang masaklap nito, paano kung may maniwala at magpumilit na kunin ang ipinangakong halaga?


Sana’y hindi matapos sa pagbibigay-paalala at babala ang hakbang natin. Sana’y matunton din ang mga gumagawa nito at saka sampolan.


At para sa mga nagpapakalat ng fake news d’yan, may kalalagyan din kayo.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page