Pramis na kasal ng bf, dapat tanggapin dahil compatible at sure na liligaya
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | July 31, 2023
Dear Maestro,
Nais kong malaman kung kami na kaya ang magkakatuluyan ng boyfriend ko. Isinilang siya noong Nobyembre 16, 1996. Matagal na rin ang aming relasyon, ang trabaho niya ay seafarer sa barko. May pangako siya sa akin na ‘pag nakapag-ipon na siya, sa taong 2025 o 2026 ay magpapakasal na kami.
Ask ko lang, Maestro, kung matutuloy ba ang ipinangako niyang kasal sa akin at magiging maligaya naman kaya ang aming papasuking pag-aasawa? Ang birthday ko ay Hulyo 2, 1999.
Umaasa,
Sheila Marie ng Gumaoc West, SJDM, Bulacan
Dear Sheila Marie,
Ang zodiac sign mong Cancer at Scorpio naman ang boyfriend mo ay kapwa pinaghaharian ng elementong water o tubig habang ang birth date mong 2 at 16 o 7 (1+6=7) naman ang boyfriend mo ay nagsasabing compatible at tugma talaga kayo para sa isa’t isa.
Nangyaring compatible kayo sapagkat ayon sa Western Astrology ang pagsasama ng parehong water o tubig ay sadyang tugma o suweto para sa isa’t isa. Gayundin ang dalawang weak number na 7 at 2, kung saan, maraming itinala na naging mag-asawa silang may birth date na 7, 16, 25, ay nakaisang dibdib silang may birth date naman na 2, 11, 20 at 29.
Kaya nga walang duda malaki ang posibilidad na matutuloy ang inyong kasal, kayo na nga ang magkakatuluyan at habambuhay na kayong magsasama sa pagbuo ng isang maunlad at maligayang pamilya.
Upang matiyak na maging maligaya at maging successful ang papasukin n’yong pag-aasawa, itapat n’yo ang pinaplanong kasal sa taong 2025 o kaya’y sa taong 2026, sa buwan ng Mayo hanggang Setyembre sa mga piling petsang 1, 10, 19, 28, 9, 18, 27, 5, 14, at 23, 7, 16, 25, higit lalo sa mga panahong nasa first quarter hanggang nasa new moon or full moon ang buwan sa langit. Pula o kaya’y dilaw naman ang gamitin ninyong motif sa araw ng inyong kasal upang makamit n’yo ang isang maunlad at maligayang pagpapamilya habambuhay.




Comments