Pramis na ‘di iiwanan ang BF para mag-abroad, ‘di matutupad
- BULGAR

- Jan 4, 2021
- 3 min read
Updated: Jan 9, 2021
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| January 4, 2021

KATANUNGAN
Nakapasa na ako sa nursing board exam, gayundin ang boyfriend ko, habang nasa New Zealand naman ang aking mama at mga kapatid. Hinihintay na nila ako ru’n para roon na rin ako magtrabaho. Ang problema, nangako kami sa isa’t isa ng boyfriend ko na walang mag-a-abroad o aalis sa amin dahil ayaw naming magkalayo. Natatakot kasi kami na hindi kami ang magkatuluyan ‘pag nagkalayo kami.
Ang plano namin ay magtrabaho sa private hospital at mas maganda kung sa iisang ospital lang din. Kaya lang, nalilito ako dahil panay ang tawag sa akin ng ate ko at pinasusunod na ako ni mama roon pagkatapos ng pandemic at kinukulit nila ako na ayusin ko na ang aking mga papeles.
Pero paano naman ang pangako namin ng boyfriend ko na walang aalis sa amin? Kaya nais kong malaman kung ano ang nakaguhit sa mga palad ko at ano ang dapat kong gawin? Kami na ba ang magkakatuluyan ng boyfriend ko o maghihiwalay din kami sa bandang huli?
KASAGUTAN
Kung minsan, wala namang nagagawa ang mga plano, pangako, pangarap o sumpaan sa itinakda ng kapalaran. Kadalasan pa, kapag nakatakda na ang isang kaganapan, tanggihan man natin ito, hinding-hindi natin ito matatakasan dahil sa bandang huli, ang nakatakda pa rin ang matutupad at magaganap. Tandaang kapag nakatakda na ang isang pangyayari, kahit gaano ka pa makapangyarihan, hindi mo mapipigilan ang kapalarang sa iyo ay malaon nang nakalaan.
Tiyak na makapag-a-abroad ka at ito ay ayon sa malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na hindi mapipigil ng pangako n’yo sa isa’t isa ng boyfriend mo na hindi kayo maghihiwalay, sapagkat ito ang itinakda ng kapalaran – ang makapagtrabaho ka at ito ay magaganap sa malapit na hinaharap.
Ngunit ang nakatutuwa, dahil iisa lang ang makapal at malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung matagal na kayong may relasyon ng boyfriend mo at meaningful at quality relationship naman ang nagaganap sa inyong dalawa, ganito ang mangyayari: Kahit magkalayo kayo, sa pinakamalalang senaryo ay halimbawang nakarating ka na sa New Zealand nang hindi siya kasama, kapalaran ang kusang gagawa ng paraan upang kayo ay muling pagtagpuin ng tadhana at pagdugtungin ang inyong nausyaming relasyon. At sa muling pagdudugtong na ito, hindi kayo maghihiwalay pang muli upang pagkatapos ay tuluyan na kayong magsasama at bubuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.
MGA DAPAT GAWIN
Ang buhay at kapalaran ng isang tao ay masasabing walang iniwan sa isang telenobela. Maraming kadramahan, may iba’t ibang nakaiiyak na sitwasyon at may mga pangyayari ring nakatutuwa, pero kung paano itu-twist ng direktor ang mga eksenang nagaganap, nasa husay na ito ng manunulat, na siya namang nagpapaganda ng isang palabas o istorya. At sa bawat nobela o palabas sa telebisyon na anupa’t dahil hindi natin alam ang climax, ending o mangyayari sa bida, ito ang nagpapasarap sa ating pinapanood at patuloy nating sinusubaybayan. Ganundin ang buhay at bawat kapalaran ng tao, hindi mo alam ang ending, pero isa lang ang alam mo — ikaw ang bida ng pelikula at ang istorya ng buhay mo ang script.
Ngunit ang totoo, anuman ang gawin ng bawat tao, kalianman ay hindi kayang iwasan ang nakatakda. Kaya naman lilipas ang mga tatlo hanggang apat na taon ng inyong paglalayo ng boyfriend mo, sa 2023 hanggang 2024, pipihit muli ang makikislap na ilaw ng entabldo habang paisa-isang nalalagas ang mga dahon sa sanga, sa iyong paligid, kung saanmang lupalop ka ng mundo napadpad, muli kayong pagtatagpuin ng tadhana upang tuparin ang ipinangako n’yo sa isat-isa – ang magmahalan nang lubos, magsama nang wagas at magkaroon ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya (Drawing A. at B. 1-M arrow b.).




Comments