Posibleng epekto ng total ban sa online gambling, timbangin
- BULGAR
- 10 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | July 9, 2025

Muling umingay ang panawagan para sa total ban sa online gambling sa bansa.
Hindi maikakaila na lumalaki ang epekto ng online gambling — mula sa personal na pagkabaon sa utang hanggang sa mas malalaking isyung kriminal.
Kaya’t nauunawaan kung bakit may mga mambabatas na nais na itong tuldukan. Gayunman, dapat ding timbangin ang mga alternatibong solusyon.
Puwede ring itanong muna, naging epektibo ba talaga ang mga ahensya sa pag-regulate nito? O baka naman kulang lang sa koordinasyon, kakayahan, o kagustuhan?
Hindi rin dapat isantabi ang epekto ng biglaang pagbabawal sa legal na industriya ng online gaming. Maraming manggagawa ang maaaring mawalan ng trabaho, sapol din ang benepisyong nakukuha ng gobyerno mula sa buwis.
Gayunpaman, hindi rin dapat balewalain ang tumitinding mga kaso ng adiksyon, pagkakawatak ng pamilya, at paglaganap ng mga scam na may kaugnayan sa online gambling.
Kung hindi mapigilan sa legal na paraan, baka mas lalong lumakas ang underground operations — na mas mahirap pang sugpuin.
Sa huli, ang tanong ay hindi lang kung dapat bang ipagbawal ang online gambling, kundi kung may kapasidad ba tayong tiyakin ang responsableng pagpapatupad ng anumang desisyon.