Mga tsuper, 'wag pahirapan sa ayuda
- BULGAR

- 4 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | March 19, 2026

Umarangkada na ang distribusyon ng limang libong pisong ayuda para sa mga PUV driver, at tulad ng inaasahan, may mga aberya pa rin.
Sa harap ng krisis sa petrolyo dulot ng tensyon sa Middle East, hindi na puwedeng “subukan pa lang” ang sistema. Hindi ito eksperimento, hindi ito ang unang pagkakataon na namigay ng ayuda. Kaya habang nagsisimula pa lang ang pamamahagi, dapat sigurado na agad. Maayos ba ang listahan? Malinaw ba ang proseso? Mabilis ba ang daloy?
Dahil kung ngayon pa lang ay may senyales na ng kalituhan—mahahabang pila, kulang na impormasyon, o hindi tugmang listahan—hindi na ito simpleng aberya.
Hindi sapat na sabihing “nagsisimula pa lang.” Sa panahon ng krisis, ang bawat araw ng delay ay gutom sa hapag ng isang pamilya. Ang bawat oras na nasasayang sa pila ay kita na hindi na mababawi.
Kaya ngayon pa lang, dapat tutukan na. Ayusin agad ang problema bago pa ito lumala. Siguraduhin na ang tulong ay hindi maaantala, hindi masasayang, at hindi magiging dagdag-pasanin.
Dahil ang tunay na tanong ay hindi kung nagsimula na ba ang distribusyon—kundi kung matatapos ba ito nang maayos. Kung hindi, simula pa lang, talo na agad ang mga tsuper.


Comments