Band-aid solution sa non-stop oil price hike, tigilan na
- BULGAR

- Mar 18
- 1 min read
by Info @Editorial | March 18, 2026

Tuwing may giyera sa Middle East, pare-pareho ang nangyayari—tumataas ang presyo ng petrolyo, sumasabay ang lahat ng bilihin, at ang mamamayan ang naghihirap. At ano ang tugon? Kaunting subsidiya, konting ayuda, at maraming paliwanag. Pero tila walang tunay na solusyon. Hindi na ito katanggap-tanggap.
Alam na ng gobyerno na paulit-ulit mangyayari ito. Hindi na ito “biglaan.” Pero bakit hanggang ngayon, wala pa ring konkretong plano? Bakit umaasa pa rin tayo sa imported oil na kontrolado ng ibang bansa?
Tila pinapabayaan ang problema. Kung may political will, matagal nang pinalalakas ang renewable energy. Inaayos ang sirang sistema ng transportasyon at binabawasan na ang pagdepende sa langis
Pero wala. Mabagal, kulang, at puro plano.
Habang sila'y nagdadalawang-isip, ang mamamayan ang nagdurusa—mga tsuper na lugi, pamilyang gipit, negosyong nalulugi.
Hindi na kailangan ng meeting. Hindi na kailangan ng pag-aaral. Kailangan ngayon ay aksyon. Kung hindi kikilos ang gobyerno, malinaw ang mensahe: hindi nila kayang protektahan ang mamamayan sa harap ng krisis. At kung ganoon, para saan pa sila?



Comments