top of page

Gobyerno, kailangan nang umaksyon sa oil price hike

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 16 hours ago
  • 2 min read

by Info @Editorial | March 17, 2026



Editoryal, Editorial


Kasabay ng halos walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis, inaprubahan na rin ang dagdag-pasahe sa mga jeep at bus. 


Ito ay isang desisyong matagal nang hinihintay ng mga drayber at operator na direktang naaapektuhan ng patuloy na pagmahal ng diesel at iba pang gastusin sa pamamasada.


Sa bawat oil price hike, unti-unting nababawasan ang kinikita ng mga tsuper. Marami sa kanila ang nagsasabing halos sa petrolyo na lamang napupunta ang kanilang kita, habang patuloy pang tumataas ang presyo ng mga piyesa at maintenance ng sasakyan. Dahil dito, ang pag-apruba sa taas-pasahe ay itinuturing nilang isang hakbang upang kahit papaano ay makabawi sa tumataas na gastos.


Ngunit habang ito ay nagbibigay ng kaunting ginhawa sa sektor ng transportasyon, panibagong hamon naman ito para sa mga komyuter. Ang dagdag na pamasahe ay nangangahulugan ng dagdag-gastos para sa mga manggagawa, estudyante, at iba pang araw-araw na bumibiyahe. 


Sa panahong marami ring bilihin ang patuloy na tumataas ang presyo, ang dagdag-pasahe ay lalong nagpapabigat sa gastusin ng karaniwang mamamayan.

Ipinapakita lamang ng sitwasyong ito kung gaano kalaki ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Kapag mahal ang krudo, hindi lamang transportasyon ang apektado kundi pati ang presyo ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.


Sa ganitong kalagayan, mahalagang mas patindihin ang pagkilos kumilos ng pamahalaan upang mapagaan ang epekto nito sa publiko. 


Bukod sa pag-apruba sa taas-pasahe, dapat ding pag-aralan ang mga programang makatutulong sa parehong drayber at komyuter—tulad ng subsidiya sa transportasyon at mga hakbang upang mapanatiling abot-kaya ang pamasahe.


Hangga’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis, mananatili ring hamon kung paano mababalanse ang kapakanan ng mga drayber at ang kakayahan ng mamamayan na makasabay sa patuloy na pagtaas ng gastusin.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page