Political dynasty, wakasan na
- BULGAR

- 15 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | December 11, 2025

Sa isang bansang ipinagmamalaki ang demokrasya, nananatili ang katotohanan na ang kapangyarihan ay umiikot lamang sa iilang pamilya.
Ang political dynasty na paulit-ulit nang napatunayang nagiging hadlang sa tunay na pag-unlad ay patuloy na humahawak sa mga posisyon sa pamahalaan na dapat sana’y bukas sa bawat mamamayan na may kakayahan at tunay na malasakit.
Laging sinasabi na ang posisyon sa gobyerno ay bukas sa taumbayan ngunit ang problema ay hindi naman pantay ang larangan. Ang pagkakaroon ng pangalan, pera at impluwensiya ng mga dinastiya ang pumipigil sa mga bagong lider na makapasok at makapaglingkod.
Idagdag pa ang kawalan ng malinaw na batas laban sa political dynasty.
Kung tunay nating ninanais ang isang gobyernong nagsisilbi sa bayan at hindi sa iilang pamilya, kailangang tapusin ang sistemang pumipigil sa pag-usbong ng mga bagong lider at sariwang ideya.
Ang pagseserbisyo-publiko ay hindi dapat minamana. Hindi ito negosyo, titulo, o trono na ipinapasa. Ito ay tungkulin—at ang tungkuling ito ay dapat bukas para sa lahat.
Kapag ang bawat Pilipino—mayaman man o mahirap, kilala man o hindi—ay nagkaroon ng patas na pagkakataon na magsilbi, doon lamang natin tunay na masasabi na ang kapangyarihan ay nasa kamay ng taumbayan.





Comments