top of page

Polisiya ng mga iskul sa anti-bullying, babantayan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 14, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 14, 2024



Boses by Ryan Sison

Nakatakdang i-monitor ng Department of Education ang pagsunod ng mga paaralan pagdating sa pagpapatupad ng kanilang anti-bullying policy.


Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, bawat eskwelahan ay kinakailangan na mayroong anti-bullying policy. Subalit, hindi sinasabi ng batas kung gaano sila kahigpit, pero kailangang may polisiya. Ang problema aniya, napakakaunti ng mga paaralan na may sariling patakaran laban sa pambu-bully, kaya naman kanila talagang ita-track o imo-monitor ang pagsunod nila rito sa naturang batas.


Sinabi rin ni Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) Executive Director Karol Mark Yee, na may pag-aaral na nagsasaad na ang mga Pilipino ang pinakamalungkot na estudyante o loneliest students sa buong mundo.


Ani Yee, nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tingnan ng mga concerned agencies ang nasabing usapin.


Pahayag ni Yee na ang nasabing data ay hindi lamang bullying at nabanggit din ng Pangulo na may nabasa umano itong artikulo na may pag-aaral sa Singapore na nagsasabing ang loneliest students sa mundo ay mga Pilipino. Iyan din aniya ang nasa data ng PISA, na ang pakiramdam ng mga Pilipinong estudyante ay hindi sila belong o nababagay sa karamihan. 


Marahil, nararapat ngang bantayan ng DepEd kung akma ang polisiya o may patakarang ipinapatupad ang bawat paaralan tungkol sa batas ng anti-bullying.

Ito kasi ang nagiging problema ng mga estudyante lalo na iyong mga nabu-bully ng mga kaklase, na hindi alam ng kanilang mga titser, maging ng kanilang sariling eskwelahan.


Kaya tuloy sa halip na sipaging pumasok at mag-aral ay nagmumukmok na lamang sa bahay at hindi sinasabi sa kanilang mga magulang ang nangyayari.


Pero, kung isasagawa ito agad, siguradong masosolusyunan na rin ang suliranin ng bullying sa mga iskul.


Hiling natin sa kinauukulan na bukod dito ay magkaroon din sana ng mga guidance counselor sa bawat paaralan na siyang tututok sa kalagayan at sitwasyon ng mga mag-aaral dahil makabubuti ito sa kanila, at para tuluyan nang makabawi ang mga bata at makaahon na rin sa pagkalugmok ang sektor ng edukasyon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page