POGO na namayagpag sa panahon ni Digong, matatapos na ang happy days sa panahon ni P-BBM
- BULGAR
- Jan 25, 2023
- 1 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | Enero 25, 2023
HAPPY DAYS NG MGA CHINESE GAMBLING LORDS SA 'PINAS NA NAMAYAGPAG SA PANAHON NI EX-P-DUTERTE, TATAPUSIN NA NI P-BBM—Sabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., kapag may nagbigay sa kanya ng magandang dahilan para ipatigil ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ay agad niyang iba-ban ito sa bansa.
Malapit na talagang matapos ang happy days ng mga Chinese gambling lords na namayagpag nang husto sa Pilipinas noong panahon ni Digong.
◘◘◘
MALING PAKIALAMAN NG GOBYERNO ANG PERA NG MGA DEPOSITORS NG LBP AT DBP—Ayon kay P-BBM, hindi siya nagmamadali at ang gusto niya ay busisiing maigi ng mga senador at kongresista para maging tama ang mga probisyon na ilalagay sa Maharlika Investment Fund (MIF).
Aba, teka, kailan pa naging tama ang mali?
Sa totoo lang, dapat huwag nang ituloy ang MIF kasi maling-mali na gamitin ang pera ng mga depositors sa Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP) pang-invest ng gobyerno.
◘◘◘
BAKA KURAKOT LANG ANG MABIYAYAAN SA MAHARLIKA INVESTMENT FUND—Sabi ng mga trapo ay mamamayan ang mabibiyaan sa isinusulong nilang Maharlika Investment Fund na popondohan ng LBP, DBP at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa sinabing 'yan ng mga trapo, inyong balikan mga kababayan ang kanilang pangako na kapag sila ay kumakandidato, na kesyo gaganda ang pamumuhay ng mamamayan kapag sila ang naluklok, pero nang nasa puwesto na, "nganga" ang mga botante, samantalang nagsisiyaman sa poder ang mga nanalong pulitiko sa eleksyon.
Ang nais nating ipunto rito, baka kurakot na trapo ang mabiyayaan sa investment fund, at hindi ang mamamayan.





Comments