ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 8, 2024

BAGO MANGYARI NA MAKONTROL NG POGO ANG GOBYERNO, DAPAT IPAGBAWAL NA ITO SA ‘PINAS -- Nagpahayag ng pangamba si Sen. Sherwin Gatchalian sa lawak ng koneksyon sa pulitika, kapulisan at sa Immigration ng mga Chinese POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) dahil kapag hindi raw napatigil ang operasyon nito sa bansa baka ang mangyari kalaunan ay itong POGO na ang may kontrol sa gobyerno.
Hangga’t hindi pa nangyayari ang pinangangambahan ni Sen. Gatchalian dapat ay ipagbawal na ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang POGO sa ‘Pinas, period!
XXX
POGO ‘NATIONAL SECURITY THREAT’ KASI HABANG NANGHA-HARASS ANG CHINA COAST GUARD SA WPS, PARAMI NANG PARAMI ANG CHINESE POGO WORKERS SA PHIL. -- Sabi ni Sen. Risa Hontiveros, maituturing nang “national security threat” sa ‘Pinas ang POGO kaya’t dapat ipagbawal na ito at paalisin sa bansa ang libu-libong Chinese na nagtatrabaho sa mga POGO.
May punto si Sen. Risa sa sinabi niyang ito kasi habang nagsasagawa ng harassment ang China Coast Guard (CCG) sa mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea (WPS) ay parami nang parami ang mga POGO Chinese workers sa ‘Pinas, tsk!
XXX
HINDI TARIPA SA IMPORTED RICE ANG PROBLEM KAYA MATAAS ANG PRESYO NG BIGAS, KUNDI ANG RICE TARIFF LAW -- Pinababawasan ni PBBM ng hanggang 15% ang taripa sa mga imported rice para raw mapababa ang presyo ng bigas sa bansa.
Sa totoo lang, hindi naman ang taripa ng imported rice ang problem kaya mataas ang presyo ng bigas, kundi ang Rice Tariffication Law na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga rice importer na kumontrol sa presyo ng bigas sa ‘Pinas, buset!
XXX
KUNG NAIS NG GOBYERNONG BUMABA ANG PRESYO NG BIGAS, MAGBIGAY NG TODONG SUPORTA SA MGA MAGSASAKANG PINOY AT IPAWALANG-BISA ANG RICE TARIFF LAW -- Ang sabi ng Duterte administration noon ay bababa raw ang presyo ng bigas sa ilalim ng Rice Tariffication Law. Bumaba nga nang kaunti ang presyo sa unang tatlong buwan, pero pagkaraan sunud-sunod na pagtataas, kaya’t ganyan din ang mangyayari sa bawas na 15% sa taripa sa imported rice, sa una bababaan ang presyo, at kalaunan ay itataas na, sabihin lang ng mga rice importer na tumaas ang presyo sa international market ay wala nang magagawa ang pamahalaan kundi dedmahin na lang ang taas presyo ng bigas sa bansa.
Ang nais nating ipunto rito ay dapat ipawalang-bisa na ang Rice Tariffication Law, at ang gawin ng Marcos admin ay magbigay ng todong suporta sa mga magsasakang Pinoy, kasi kapag rice sufficient na ang ‘Pinas, tiyak bababa ang presyo ng bigas dahil gobyerno na ang kokontrol sa presyo at hindi na ang mga rice importer, period!
Comments