top of page

Poaching ng players, pinalagan ni Coach Olsen

  • G. Arce
  • Jan 31, 2024
  • 3 min read

ni G. Arce @Sports | January 31, 2024




ree

Hindi na maialis ng bagong hirang na head coach ng University of Perpetual Help System Dalta Altas na si Rodericko Cesar “Olsen” Racela ang pagkadismaya patungkol sa lumalalang kondisyon ng agawan ng players sa collegiate league lalo pa’t maging ang koponan nila ay hindi naging ligtas sa naturang mga kaganapan na diskarte ngayon ng ibang malalaking unibersidad upang punan ang talaan ng manlalaro.


Matapos opisyal na maging bagong head coach ng Las Pinas-based ball squad nitong Enero para sa 100th season ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) tournament, pinag-isipang maigi ng 53-anyos na dating National Team playmaker at 9-time PBA champion sa PBA league na muling humawak ng collegiate league mula sa paghingi ng tulong ni dating league MVP na si Scottie Thompson.


“We already have our first two weeks of practice, pero madami pang inaayos lalo na yung composition ng team, [but] nakakapag-focus na tayo ngayon sa Perpetual, medyo bakasyon muna sa PBA,” paunang mensahe ni Racela sa panayam ng sports program na Bulgar Sports Beat kahapon ng umaga, matapos maagang natuldukan ang kampanya ng Ginebra Kings sa PBA Commissioner’s Cup kontra sa San Miguel Beermen sa semis.


Kaakibat ng mga inaayos sa Altas ay ang bumabalot sa dalawang malaking collegiate league na nakakaapekto na rin umano sa kabuuang programa na pinapatakbo ni Racela, matapos na may ilang manlalaro nito ang sinusubukang pitasin ng ibang unibersidad upang palakasin ang koponan.


Matatag na team ang Altas sa NCAA 100th at nanatili ang players na sina Christian Pagaran, Art Roque, John Abis, Marcus Nitura, Mark Omega, JP Boral, Angelo Gelsano, Rey Barcuma, Jearico Nunez, Nat Sevilla, Richard Movida, Carlo Ferreras at Kyle Thompson, utol ni Scottie Thompson, habang tanging sina Jielo Razon at Jasper Cuevas lang ang nawala sa pagtatapos ng playing years.


“Very competitive yan, kung intact yung mga players na maglalaro for season 100.

[Pero] ‘yan ang mga inaayos ko ngayon, right now, maraming teams kase ang kumakausap sa mga Perpetual players,” pagbubunyag ng 5'11 court general tungkol sa sitwasyon ng koponan. “So, uso na ngayon yung poaching ng players, kaya sinabi ko na ‘di ko pa alam yung line up ko for this year. Akala ko nga pagpasok ko rito magco-coach na lang ako eh, so right now inaayos pa natin yung pool of players and nasa process tayo ng pag-aayos ng pool namin ngayon.”


Bukod sa nais matuldukan ng Altas ang matagal na pagkagutom sa korona, pinapanatili ang prinsipyo na mananatiling ibibigay lang ang mga tamang pangangailangan ng players at sistemang pinagtutulungan nina Thompson, dating head coach Myk Saguiguit, Joshua del Rosario, Jam Lipae, Gerald Dizon, Joph Cleopas, at coach Richard del Rosario.


“Hindi na kase nagiging level yung playing field, yung mga teams at programs na malalaki ang budget, they end up getting na magagaling na player, which is unfair to other program. Pero ganun na na yung nangyayari, so which kailangan na ma-control ng leagues, kase kung yung may mga program na may malaki ang budget yun ang nagcha-champion, kung sino yung competitive every year, maglilipatan yung players sa kanila palagi,” paliwanag ng 10-time pro-league titlist bilang assistant coach.


Hindi pa nagagawang makapag-kampeon matapos na dalawang beses makapasok sa Finals nung 1988-89 at 89-90 na season at huling beses nakapasok sa Finals nung 80th season matapos matalo ang grupo nina Vladimir Joe, Marcel Cuenco, Fritz Bauzon at Dominador Javier sa pagtitimon ni coach Bai Cristobal sa Philippine Christian University Dolphins na pinagbidahan nina Jason Castro at Gabby Espinas.


“Before focusing on the preparation, inaayos ko muna yung commitment ng mga players for season 100, and once na okay na yung roster [like] line-up ang pool, we can start preparing for season 100. Pero pag we can’t keep the team intact kailangan gawan ng paraan, kailangan mas magturo, mas mag-invest, kailangan talagang mag-improve ang players for eight months of preparation.”

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page