PNP, todo-bantay sa mga mag-dyowang PDA, pero isnab sa mga nagpa-party-party!
- BULGAR

- Mar 11, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | March 11, 2021
Sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa, kani-kanyang diskarte ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan para mapigilan ang pagsirit ng mga kaso.
Muling nagpatupad ng localized lockdown sa ilang barangay sa Metro Manila, muli ring hinihikayat ng mga ahensiya ng gobyerno ang LGUs na higpitan ang pagpapatupad ng mga umiiral na health protocols, gayundin ang pagpapaalala na doblehin ang pag-iingat laban sa sakit.
Habang naghihigpit at muling ibinalik ang lockdown sa ilang lugar, nakiusap ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa mga magkasintahan na iwasang maglambingan o ang public display of affection (PDA) sa mga pampublikong lugar habang umiiral pa rin ang quarantine protocols sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Paliwanag ng opisyal, maituturing umanong paglabag ang PDA sa health and safety protocols na itinakda ng gobyerno. Sakop umano ng “automatic violation” ang yakapan, holding hands at halikan sa labas ng bahay.
Dahil dito, inutusan ang kapulisan na sitahin ang mga lalabag kung saan sakop din ang mga magkakamag-anak at magkakaibigan sa mga pampublikong lugar.
Gayunman, nilinaw ng awtoridad na hindi aarestuhin agad ang mahuhuling nagpi-PDA dahil warning muna sa first offense.
Samantala, ang kautusang ito ng PNP ay umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa publiko. Marami ang dedma lang, mayroon namang mga natawa at nabuwisit dahil para sa kanila, wa’ ‘wenta umano ang hakbang na ito dahil mas marami umanong dapat pagtuunan ng atensiyon ang ating kapulisan.
Sa totoo lang, dapat ‘yung mga talagang lumalabag sa health protocols ang sitahin tulad ng mga nagpa-party-party, nag-iinuman at pakalat-kalat kahit lagpas na sa curfew.
Kaya suhestiyon natin, magpokus na lang sana sa mas kapaki-pakinabang na hakbang at ‘wag ‘yung galawang “mema” o may masabi lang na may ginagawa.
Kung ngayon pa lang ay katawa-tawa para sa publiko ang ipatutupad nating hakbang, masusunod pa ba ito?
Panawagan sa mga kinauukulan, tiyakin nating susundin ang mga nais nating ipatupad at hindi pagtatawanan lang, kaya utang na loob, pag-aralang mabuti ang mga susunod na hakbang para hindi tayo mukhang nakikipagbiruan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments