PNP, gagamit na ng body cameras sa mga operasyon, ayos!
- BULGAR

- Oct 6, 2020
- 2 min read
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | October 6, 2020
Ngayong Oktubre, ipatutupad na umano ni bagong PNP Chief Gen. Camilo Cascolan, ang paggamit ng mga body cameras sa mga operasyon ng PNP, partikular sa mga operasyon kontra ilegal na droga.
Aabot umano sa 2600 body cams ang ipagagamit sa mga pulis. Isasailalim sa “functional testing” ngayong Oktubre 12 ang mga aparato bago opisyal na ipagamit sa mga operasyon.
Sa totoo lang ay matagal na dapat ipinatupad ito. Lumakas ang panawagan na gumamit ng body cams ang mga pulis nang magsimula ang kontrobersiyal na Oplan Tokhang o ang madugong kampanya ng Philippine National Police sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa dami ng mga “nanlaban” umano.
Mabuti naman at gagamit na ng body cams ang mga pulis. Pero hindi pa rin natin matanggal sa ating isipan na baka ilihis naman ang anggulo ng mga camera para wala rin makuha? Ilang beses nang inililihis ng mga pulis ang mga CCTV kapag nagsasagawa ng operasyon dahil pinoprotektahan umano ang pagkakakilanlan ng mga pulis—paliwang na hindi katanggap-tanggap. Kaya may CCTV ay para makunan ang anumang nagaganap sa paligid nito. Madalas sabihin ng kasalukuyang administrasyon na kung walang itinatagong kriminal na aktibidad, walang dapat katakutan ang batas. Ngunit, paano pala kung ang mga nagpapatupad ng batas ang may itatago?
Ganito rin ang ganap sa kilos ng Ombudsman nang ipatigil ang mga lifestyle checks at hindi na kailangang isapubliko ang mga SALN ng mga opisyal ng gobyerno. Ano ba ang itinatago nila?
Samantala, sa Amerika, may mga pulis na nasisibak o nasususpinde kapag nakita na ang nakuha sa kanilang mga body cams. Hindi lang body cams, kundi ang mga dash cams din.
Nagkalat din ang CCTV sa paligid, ito ay para lubos na maproteksiyunan ang mamamayan. Walang argumento kung kriminal ang makukunang nahuhuli. Proteksiyon ang mga body cams para ipakita na nasa lugar ang mga pulis. Sana ay maging matagumpay ang paggamit ng mga body cams—ang wastong paggamit.





Comments