Plastik na basura kapalit ng pampano at salmon
ni Ryan Sison @Boses | Marso 5, 2024
Isang kilo ng plastik na basura kapalit ng isang kilong isda.
Ito ang trash-to-cash program na inilunsad ng isang barangay sa Quezon City, kung saan maaaring ipagpalit ng mga residente ang mga plastic waste sa mga isda, bilang pagsisikap na palakasin ang environmental campaign ng lokal na pamahalaan ng lungsod.
Ang Barangay Sto. Niño sa QC ay tumatanggap ng mga basura o waste materials gaya ng mga nasirang plastic wares, mga junk food wrapper, at iba pa sa layunin nilang mabawasan ang mga basurang palaging bumabara sa mga kanal sa kanilang lugar.
Ang mga naturang materyal, na ibinebenta sa mga junk shop sa lugar, ay ipinagpapalit sa mga dekalidad na fish products gaya ng pampano, salmon, galunggong (roundscad), at packed fish fillet.
Ayon kay Bgy. Kagawad Peter Dumanig, ang nais nilang makamit talaga ay makatulong sa kapaligiran at bilang pagtugon na rin sa kakulangan ng pagkain sa ibang residente ng lugar. Ang mga nakolektang plastic waste ay ibinebenta ng barangay sa mga junk shop at ang trash-to- cash program ng lokal na pamahalaan ng QC, habang ang pondo ay gagamitin nila sa pagbili ng mga kilo-kilong isda.
Nakatakda na ring magsama ng bigas sa kanilang proyekto kapalit ng mga basura sa darating na linggo, kung saan sinusuportahan din ito ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng mga donasyon.
Maganda ang naging programa ng naturang barangay na ang bawat kilo ng plastik na basura ay papalitan nila ng isang kilo ng isda.
Malaking tulong ito sa mga residente ng lugar dahil siguradong may maihahain na sila sa kanilang hapag-kainan, habang nakakatulong pa sila sa pagpapabuti ng ating kapaligiran.
Sana, hindi lang ang lokal na pamahalaan ng QC ang nagsasagawa ng ganitong mga proyekto, dapat sigurong sumunod na rin ang iba pang mga lungsod.
Sa mga kababayan, samantalahin natin ang magagandang programang gaya nito na malaking pakinabang naman para sa atin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments