top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Pirma, dapat tapusin paitaas; bigote, dapat ahitin para maging balanse ang hitsura ng mukha

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 23, 2021
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 23, 2021



Dear Maestro,


Dalawa ang birthday ko. Ang isa ay ‘yung ipinagdiriwang ko mula pagkabata na April 9, 1990 at April 14, 1990 na siyang nakarehistro nang kumuha ako birth certificate para gamitin sa pag-a-apply ko sa abroad. Nalilito ako ngayon kung ano ang dapat kong gamitin para suwertehin ako sa binabalak kong pangingibang-bansa. Gayundin, ano’ng kulay ng damit ang dapat kong isuot habang ako ay nag-a-apply? Nais ko ring malaman kung okey na rin ba ang aking signature o may dapat pa ba akong baguhin?


Umaasa,


Aries ng Santo Domingo, Orion, Bataan

Dear Aries,


Kung pag-a-abroad ang pag-uusapan, mas mabuting gamitin mo ang April 14, 1990 kaysa ang April 9, 1990. Sapagkat bihirang-bihira ang nagtatagumpay sa pangingibang-bansa na isinilang sa petsang 9, bagkus, higit na maraming umaasenso sa pangingibang-bansa silang mga isinilang sa petsang 14.


Bagama’t sa Astrology ay kapwa naman walang problema dahil parehong Aries ang zodiac sign mo kahit na anong birthday ang iyong gamitin. Pero tulad ng nasabi na, sa Numerology, mas inirerekomenda na April 14, 1990 ang gamitin mo kung pangingibang-bansa ang iyong layunin.


Samantala, ang mapalad na kulay ay gray, silver o puti para birth date mong 14 o 5 (ang 14 ay 1+4=5), habang ang destiny number mong 1 (4+14+1990=2008/ 20+08=28/ 2+8=10/ 1+0=1) ay nagsasabing, puwede ka ring gumamit ng dilaw at ang Aries na zodiac sign ay nagmumungkahing mapalad ka rin sa kulay na pula.


Hinggil naman sa iyong lagda, ayos ang laki ng letra at salita. Ang dapat mo na lang baguhin ay ang ending, kung saan imbes na tapusin sa pasubsob ang dulong paa ng letrang “n”, mas makabubuting tapusin ito sa straight na guhit o pataas. Sa ganyang lagda, mas madali kang aasenso at uunlad, lalo na sa larangan ng pananalapi at materyal na bagay.


Ang isa pang dapat mong baguhin hinggil naman sa hindi balanseng hugis ng iyong mukha ay ang iyong bigote. Mas magiging balanse ang awra ng iyong mukha at lalakas ang higop ng suwerte kung aahitin mo ang iyong bigote at bahagya pang iiklian ang iyong buhok. Sa ganyang porma ng mukha, mas lalakas ang higop ng suwerte hanggang sa tuloy-tuloy ka nang magtagumpay, umunlad at lumigaya.


Habang, ayon sa iyong Travel Calendar, kung susundin mo ang mga simpleng mungkahi sa itaas, tiyak ang magaganap sa susunod na taong 2022 hanggang 2023, sa edad mong 32 pataas, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page