Pinoy performer, nakatago pa ang mukha, ha? BILLY, GRAND CHAMPION SA THE MASKED SINGER FRANCE
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
ni Alicia Abarnas (OST) @Showbiz Special | June 30, 2026

Photo: Billy Crawford sa The Masked Singer France - YT
Pinatunayan ng Pinoy total performer na si Billy Crawford na world-class ang kanyang talento matapos tanghaling grand champion sa sikat na reality singing competition na The Masked Singer France.
Ang Filipino host at singer ay patuloy na inilihim ang kanyang totoong identity sa buong panahon ng paligsahan sa pagganap niya bilang L’Ane (The Donkey).
Sa kanyang naging laban, pinasikat ni Billy ang mga awiting Pranses at Ingles tulad ng Le Portrait, I Feel Good, at Uptown Funk.
Sa kapana-panabik na final round, tinalo niya ang katunggaling si Carla Lazzari na nagsuot naman ng costume bilang si "Le Poussin" (The Chick).
Dahil sa kanyang makasaysayang pagkapanalo, tuluyan nang natanggal ang kanyang maskara sa finale at opisyal na nadagdag ang prestihiyosong titulong ito sa mahabang listahan ng kanyang mga naging tagumpay.
Sa kanyang Instagram post, labis ang pasasalamat ng singer-host sa bagong karangalang kanyang nasungkit sa France .
“This was an absolutely amazing experience! Thank you to my @masksinger_tf1 family for keeping me a secret for a whole month!” ani Billy sa kanyang IG post.
“L’Ane was a very special character to me because I chose it with my son Amari in mind. I figured if he loved it, everyone else would too!” dagdag pa nito.
Na-bash, nag-live, pero binura rin…
MAXIE ANDREISON, TODO-SIGAW NA OKAY NA SILA NG SINAMPAL AT SINIPANG TRANS FAN, BUKING NA SINUNGALING
SA isang Instagram Live, humingi ng kapatawaran ang Drag Race Philippines Season 3 winner na si Maxie Andreison kaugnay ng isang insidenteng naganap tatlong taon na ang nakalilipas sa Cabanatuan City.
Ito ay matapos na muling kumalat ang video kung saan makikitang sinampal at sinipa niya sa mukha ang isang transgender fan matapos umanong hawakan at hatakin ang suot niyang wig.
Humingi ng patawad si Maxie sa kanyang mga tagahanga at sinabing nagkaayos at nagkapatawaran na sila ng biktima.
Nangako rin siyang huli na ito at hindi na mauulit.
Subalit mabilis na napabulaanan ang kanyang mga pahayag matapos lumabas ang mga screenshots na nagpapatunay na hindi totoong nagkaayos sila, dahilan para burahin niya ang naturang live video.
Ayon sa nakasaad sa screenshot ng biktima: "No one has contacted me. Big no."
Nang sabihan itong nagkaayos na sila ni Maxie, ganito ang naging matapang na tugon nito, "Sira-sira ba siya? Hindi man lang siya nag-message sa akin. Paanong nagkaayos na kami?”
Bukod dito, nag-post din ang isa pa sa mga indibidwal na nasaktan sa gulo. Inilarawan niya ang pangyayari bilang isang malalim na trauma, habang inaalala ang kanyang paulit-ulit na pagmamakaawa noon na: "TAMA NA PO, HINDI PO AKO ‘YUN."
Aniya, ang muling paglutang ng video ay nagbalik lamang ng mga masasakit na alaala.





Comments