Pinoy, likas na eksperto sa pakikipagsosyalan, tawag ng iba pulitika
- BULGAR
- 8 hours ago
- 2 min read
ni Ka Ambo @Bistado | May 10, 2025

Tao rin naman ang mga cardinal kaya’t bagaman lihim at sagrado ang proseso, hindi maiiwasan gumamit ng maselang diplomasya ang mga cardinal.
Likas sa Pinoy ang maging eksperto sa pakikipagsosyalan — at ang tawag na iba rito ay diplomasya at pulitika.
----$$$--
Marami ang nagdarasal na mahalal bilang bagong Santo Papa si Cardinal Luis Antonio Tagle ng Pilipinas.
Sakaling matupad, maibabantayog ang pangalan ng Pilipinas sa mapa ng daigdig.
----$$$--
HANGGANG kahapon, wala pang napipili ang 133 cardinals kung sino ang papalit sa yumaong si Pope Francis.
May mga karibal si Cardinal Tagle pero ang dalawa pang cardinal mula sa Pilipinas -- sina Cardinal Jose Advincula at Cardinal Pablo Virgilio David, na maaaring makatuwang niya sakaling magkaroon ng lihim na kampanyahan.
-----$$$--
HALOS nakisabay na rin ang Korte Suprema sa maniobrahan sa Makati at Taguig nang maglabas ng temporary restraining order laban sa Makati City kaugnay sa 10 EMBO barangay issue.
Nagkataon ito na nasabay sa kampanyahan.
----$$$--
INAMIN naman ni Makati Mayor Abby Binay na reresbak siya laban sa desisyon ng Korte Suprema na ibigay sa Taguig City ang 10 EMBO barangay na isa sa agenda kaya tumakbo sa Senado.
Binasted kasi ng TRO ang pagtatangka ng Makati na idiskaril na mabuksan o magamit ng Taguig ang mga pasilidad na nasasakop ng 10 EMBO barangay.
----$$$--
SA isang speech sa ginanap na campaign rally ni Congresswoman Pammy Zamora sa CEMBO kamakailan, sinabi ni Binay na matagal nitong pinag-isipan kung tatakbo bilang senador.
Sinabi pa niya na maraming araw siyang umiiyak dahil wala siyang magawa sa desisyon ng Korte Suprema na ibigay ang 10 EMBO barangay sa Taguig City.
----$$$--
NOONG 2022, nagdesisyon ang Korte Suprema na ibinabasura ang petisyon ng Makati City na hindi dapat ibigay sa Taguig City ang 10 EMBO barangay.
Inihayag ni Binay na tumakbo siya sa pagka-senador upang iakyat din ang isyu sa Mataas na Kapulungan hinggil sa desisyon ng SC.
----$$$--
NITONG nakaraan lamang, Mayo 5, nagpalabas ng TRO ang Regional Trial Court sa Taguig City na inaatasan si Mayor Binay na alisin ang lahat ng nakasagabal sa paggamit ng mga government-owned facilities ng 10 EMBO barangay.
Ipinalabas ang order ni Executive Judge Loralie Cruz Dataha ng RTC-Taguig na nagpapatupad sa ‘pinal at executory decision’ ng Korte Suprema sa G. R No, 235315.
----$$$--
KINUMPIRMA ng utos na nasasakop ng Taguig City ang Barangay Cembo, South Cembo, Comembo, East Rembo, West Rembo, Pembo (kabilang ang Rizal), Pitogo, Post Proper Northside, at Post Proper Southside — na kilala bilang EMBOs.
Sakop ng kautusan ang pasilidad tulad ng health centers, covered courts, multi-purpose buildings, day care centers, parks, at iba pang government properties.
----$$$--
Sa kabila ng pinal na desisyon ng Supreme Court noong 2022, hindi pumayag ang Makati na kunin ng Taguig ang lahat ng naturang pasilidad.
Isinara ng Makati ang ilang health center at daycare center kaya hindi nagamit ng mga taga-EMBO barangay ang pasilidad.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.