Pinoy, hinay-hinay sa pagiging adik sa cellphone
ni Ryan Sison @Boses | December 3, 2023
Kakaiba talaga ang mga Pinoy, lalo na kapag ang pinag-uusapan ay pagkahilig sa isang bagay na tila nagiging adik dahil hindi mapigilan ang sarili.
Gaya na lamang ng naiulat na nasa 86 porsyento ng mga Pinoy ang nag-uubos ng halos kalahating araw sa paggamit ng cellphone.
Batay sa pag-aaral ng Telenor Asia Pte. Ltd. na Digital Lives Decoded 2023, isang telecommunications firm, kasama ang bansa sa mga respondent sa survey para sa mga mobile user mula Bangladesh, Indonesia, Malaysia, Pakistan, Singapore, Thailand, Vietnam, ay mas mataas na nai-record ang Pilipinas kumpara sa mga karatig-bansa na gumagamit ng cellphone.
Lumabas din sa naturang pag-aaral na pinakamataas ang ‘Pinas sa pagiging dependent sa cellphone. Habang 24 porsyento lang sa mga respondent ang nagsabing hindi sila masyadong gumagamit ng mobile phone.
Ikalawa ang Thailand, na may mataas na digital dependency na nasa 20 porsyento, habang pangatlo naman ang Malaysia na may 19 porsyentong rate.
Base sa mga respondent, nakatutulong umano sa kanilang personal na buhay ang cellphone habang ang ilan naman ay nagsabing nade-develop ang iba nilang skills, tulad ng photography o videography.
Totoong malaki ang naitutulong ng ating mga mobile phone sa pang-araw-araw nating pamumuhay.
Nagbibigay ito ng mga impormasyon at latest news sa mga kaganapan sa loob at labas ng bansa.
Mabilis din na naipaparating sa atin ang anumang bagyo, sakuna o kung may nagaganap na lindol, giyera at marami pang iba upang makapaghanda tayo nang husto.
Subalit, may mga negatibo ring naidudulot ang pagiging adik natin sa mga mobile phone, kung halos dito na lang nauubos ang ating oras at panahon. May iba pa nga na sinasabing katapusan na ng mundo kapag nawala ang kanyang cellphone habang ang iba naman ay talagang bumibili pa ng napakamahal na cellphone.
Sa halip kasi na maging produktibo tayo, mas marami sa atin ang nagbababad na lang sa paglalaro sa cellphone o nagpo-post ng mga walang kapararakang bagay.
Kadalasan pa ay nagagamit ito ng mga scammer para madaling makapanloko.
Paalala lang sa ating mga kababayan na hinay-hinay tayo sa paggamit ng cellphone at huwag tayong masyadong tumutok dito. Isipin natin na anumang bagay na ating binili o ginagamit, dapat na mas makakatulong sa atin kaysa nakakaperhuwisyo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments