Pingol, una sa kampeonato ng Dream's Run sa 3x3 Women's
- BULGAR
- Aug 17, 2023
- 2 min read
ni MC @Sports | August 17, 2023

Lumutang ang husay ni Kaye Pingol sa Uratex Dream’s run ng WMovement’s First 3x3 Elite Invitational Tournament championship noong Linggo sa Veacon Hope Sports Center sa Caloocan City.
Si Pingol, ang no. 6 ranked ng bansa sa women's 3x3 player ay nagsalpak ng 15 puntos para sa kabuuang 21-14 finals win laban sa Titans.
At para sa tournament MVP, lahat ay nakapokus siya sa layunin sa kabila ng pagdaranas ng pagkatalo sa final group stage game. "Laban lang. Yun lang ang nasa isip namin. Kahit natalo kami dun sa huling laro namin sa group stage, alam naming na may pag-asa pa rin kami at kailangan lang bumawi,” ayon kay Pingol.
Nakatulong kay Pingol si Sam Harada na tumapos ng 6 na puntos, isa rito ang game-clinching free throw para ganap na maiuwi ang P25,000 cash prize.
Pinuri ni Team owner Peachy Medina ang pagsisikap ng kanyang team kabilang na ang laro nina Mikka Cacho at Tina Deacon. “Talagang ipinakita ng girls 'yung character nila kaya we’re very proud of them. Kahit may mga na-injure sa kanila, hindi sila nag-give up,” saad ni Medina. Binigyang kredito rin niya ang lahat ng teams na lumahok sa torneo.
Tinalo ng Uratex ang My Philippines tungo sa semifinals, 18-10, nang manguna sila sa Pool B leaders na pinamumunuan nina Clare Castro, Allana Lim, Raiza Palmera-Dy, at Monique del Carmen.
Nangunguna sa Titans sa kabilang banda sina Snow Penaranda na may 7 puntos kasama sina Hazelle Yam, Mary Joy Galicia, at Khate Castillo nang iuwi ang P15,000.
Sa semis, tinalo ng Titans ang Lady Macbeth Riots sa semifinals, 21-15. Nanguna sa Macbeth sina national team members Afril Bernardino, Malia Bambrick, Gabi Bade, Louna Ozar, at Camille Nolasco.








Comments