top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Pinatutupad ng SSS ang pagtaas ng kontribusyon

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 28, 2023
2 min read

ni Fely Ng @Bulgarific | January 28, 2023




Hello, Bulgarians! Sinimulan nang ipatupad ng Social Security System (SSS) ang mga probisyon ng Republic Act of RA 11199 o ang Social Security Act of 2018, na nag-utos ng pagtaas ng kontribusyon upang matiyak ang kakayahang pinansyal ng state pension fund para sa mga manggagawa sa pribadong sektor. Sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet na ang ipinag-uutos ng batas na pagtaas ng kontribusyon ay isasalin sa agarang benepisyo sa 13 milyong manggagawa sa bansa at titiyakin ang pondo na idinisenyo upang mabigyan sila ng proteksyon sa social security.


Pinagtibay noong Pebrero 7, 2019 ng Kongreso, ang Social Security Act of 2018 na nagbigay-katwiran at pinalawak ang mga kapangyarihan at tungkulin ng Social Security Commission (SSC) upang matiyak ang kasiguraduhan ng SSS. Sa ilalim ng batas, dapat unti-unting taasan ng SSS ang contribution rate ng isang percentage point kada dalawang taon hanggang umabot ito sa 15 percent pagdating ng 2025.


Alinsunod sa iskedyul na ibinigay sa ilalim ng RA 11199, tumaas ang contribution rate sa 14 percent mula sa 13 percent noong nakaraang taon. Sa ilalim ng bagong rate ng kontribusyon, sasagutin ng mga employer ang isang porsyentong pagtaas, na nangangahulugan na ang kanilang kontribusyon ay nasa 9.5 porsyento. Ang natitirang 4.5 porsyento ay ibabawas sa empleyado.


Hinihimok ng mga grupo ng employer ang SSS, tulad ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Employers Confederation of the Philippines (ECOP), at Philippine Exporters Confederation Inc. (PECI), na suspindehin ang pagpapatupad ng Social Security Act of 2018 na nag-uutos ng isang porsyentong pagtaas sa mga kontribusyon sa SSS simula ngayong buwan.


Tinutulan ng mga opisyal ng SSS ang pagpapaliban sa panukala na makakabawas sa actuarial life ng pondo. Sinabi ng SSS na binigyan nila ng nararapat na konsiderasyon ang kalagayan ng maliliit na employer sa mga nakaraang pagtaas ng kontribusyon, ngunit sa huli ay kinailangan nilang kumilos pabor sa interes ng mga manggagawa at sa pangmatagalang solvency ng pondo.


Sa kanyang pahayag, nilinaw ni Macasaet na hindi kakailanganing balikatin ng mga empleyado ang karagdagang pinansiyal na pasanin na kaakibat ng pagtaas ng kontribusyon.



Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page