'Pinas umunlad daw pero baon sa utang, mahal ang bilihin at maraming tambay?!
- BULGAR
- Apr 23, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | April 23, 2023
SA HALIP NA IPAMIGAY ANG MGA KUMPISKADONG ASUKAL, GUSTO PANG PAGKAKITAAN NG GOBYERNO—Sa halip na ipamigay sa mahihirap na Pilipino, mas ninais pa ng Marcos administration na ibenta sa Kadiwa stores ang tone-toneladang kumpiskadong asukal na nasa mga bodega ng Bureau of Customs (BOC).
Dahil d’yan, binatikos ni Sen. Risa Hontiveros ang gobyerno, kung saan ayon sa Senadora, imbes na ipamigay ang mga smuggled sugar, eh, gusto pa ng pamahalaan na pagkakitaan ang mga ito. Tsk!
◘◘◘
BINABAYARAN NAMAN NG PUBLIKO ANG DRIVER’S LICENSE, TAPOS LISENSYANG GAWA SA PAPEL ANG INIISYU—May kawalanghiyaan din naman ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO). Hindi na sila nahiya sa mamamayan sa inanunsyo nila na driver’s license na gawa sa papel ang pansamantalang ipamimigay nila sa mga magre-renew at bagong kukuha ng lisensya sa pagmamaneho.
Hindi naman kasi libre ang driver’s license, binabayaran ‘yan ng mga Pinoy, tapos imbes na plastic ID (identification card), ang ibibigay ay papel na lisensya. Mga buset!
◘◘◘
PANG-UUNGGOY SA MAMAMAYAN NA MALAGO NA EKONOMIYA NG ‘PINAS, TANTANAN NA!—Dapat tantanan na ng pamahalaan ang pang-uunggoy sa mamamayan na malago na raw ang ekonomiya ng Pilipinas dahil hindi naman tanga ang majority ng Pinoy para maniwalang asensado na ang bansa sa ilalim ng Marcos administration.
Baon sa utang ang Pilipinas, mataas ang presyo ng mga bilihin at bayarin, milyun-milyon ang jobless, gawa sa papel ang driver’s license at national ID na iniisyu sa mamamayan, tapos sa kabila ng mga nangyayaring ‘yan, magpapabida pa ng fake news ang gobyerno na malago na raw ang ekonomiya ng ‘Pinas. Pwe!
◘◘◘
DAPAT SIBAKIN NI P-BBM ANG PADEDMA-DEDMANG DENR SECRETARY—Dapat sibakin ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) si Sec. Antonia Yulo-Loyzaga ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Mantakin n’yo, ang laking perhuwisyo ang idinulot ng oil spill sa Oriental Mindoro noong Pebrero 2023, tapos padedma-dedma lang sa isyung ito ang DENR secretary, walang inilatag na solusyon kung paano malulutas ang problemang ito, na dahilan kaya hanggang ngayon ay apektado ang pamumuhay ng mga residente sa lalawigang ito, period!





Comments