‘Pinas, pasok sa Top 20 na may pinakamaraming COVID-19 cases sa buong mundo, nakupo!
- BULGAR

- Oct 3, 2020
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 3, 2020
PASOK SA TOP 20 NA MAY PINAKAMARAMING COVID-19 CASES SA BUONG MUNDO ANG ‘PINAS, PERO WA’ PAKI ANG MGA CONG.—Sa 213 countries and territories around the world, pasok na ang Pilipinas sa Top 20 na may pinakamaraming tinamaan ng COVID-19 sa mundo.
Nababahala na riyan ang taumbayan, pero ang mga kongresista ay dedma lang o tila wala silang pakialam kasi ang pokus nila ay kung sino ang dapat maging speaker sa Oct. 14, kung mananatili sa puwesto si Speaker Alan Cayetano o dapat na itong palitan ni Marinduque Rep. Alan Lord Velasco, mga pwe!
◘◘◘
DAPAT HUMINGI NA NG PAYO SI P-DUTERTE SA MGA KAPWA NIYA LIDER SA SOUTHEAST ASIA KUNG PAANO NASAWATA ANG VIRUS SA KANILANG BANSA—Maliban sa Pilipinas, ang lahat ng mga bansa sa Southeast Asia ay napigil na ang pananalasa ng coronavirus sa kanilang mga nasasakupan kahit wala pang bakuna o gamot na pangontra rito.
Dapat humingi ng payo si P-Duterte sa mga kapwa niya lider sa Southeast Asia kung paano nila napigilan ang paglaganap ng coronavirus kasi kung iaasa lang niya sa IATF (Inter-Agency Task Force) ang diskarte ay huwag naman sanang mangyari na dumating ang panahon, na ang Philippines na ang Number 1 sa coronavirus sa mundo, period!
◘◘◘
DEFENSOR, “NADULAS” NA MAY PLANONG ‘NO ELECTION’ SA 2022?—Kinontra ni Anak-Kalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ang sinabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na labanan sa pagka-speaker ng Kamara ay may kaugnayan sa budget o pangpondong gagamitin ng mga kakandidato sa 2022 election.
Aniya, “Ang layo pa, eh. With or without elections, I would think anyone who is now Speaker would like to continue as Speaker. Hindi ko makita ‘yung koneksiyon ng eleksiyon sa budget.”
Ganun, with or without elections, as in “without elections”? Aba, tila nadulas ang dila ni Defensor na may plano ang gobyerno sa no election sa year 2022, boom!
◘◘◘
MGA “BUWAYA” SA PHILHEALTH, MAG-RESIGN KAYA?—Inatasan ni PhilHealth Chief Dante Gierran ang lahat ng PhilHealth officials na mag-resign sa puwesto para sa gagawin nitong reporma sa paglaban sa katiwalian sa ahensiyang ito.
Magsipag-resign naman kaya ang mga “buwaya” sa PhilHealth? Abangan!





Comments